ni Dave M. Veridiano, E.E.
(Una sa tatlong bahagi)
NANG ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang dagdag suweldo ng mga pulis at militar, agad naramdaman ang pagkadismaya ng iba pang sektor sa paggawa, na nagtatanong kung bakit sila ay hindi nakasama sa mga nabiyayaan…Naturalmente, upang matigil ang namamayaning pagkainggit, may pangako rin na binitiwan ang administrasyon.
Ang mga pangakong ito ay nakapaloob na sa 2018 budget na P3.767 trillion na kinakailangan pang kolektahin ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Nguni’t makolekta man lahat ito, na siguradong napakahirap na magawa, ay magkakaroon pa rin ito ng tinatawag na “budget deficit” o kakulangang aabot sa P888.23 billion – at ito ay mapupunan lamang kung matutupad ang mga pangakong ipauutang ng mga “domestic” at “foreign sources” na kausap ng pamahalaan.
Madugo bang maintindihan? Sa simpleng pananalita – sobra-sobra ang gagastusin ng pamahalaan kumpara sa kikitain nito para sa taong 2018. Kaya’t upang makaraos, kinakailangan nating magbenta o mangutang sa mga kaibigan at kapitbansa natin o iba pang kaalyado sa kalakalan sa buong mundo.
Sa kabilang banda, napapansin ninyo ba ang parang mga kabuteng pagsusulputan ng nagtatayugang gusali sa buong Metro Manila - lalo na sa Makati, Pasay, San Juan, at Pasig – na sa aking pagtatanong, hindi pa man din nauumpisahang magbuhos ng semento para sa napipintong konstraksiyon ay halos naibenta na ang mga pangunahing puwesto, at ang karamihang tumitira rito ay mga banyagang mula China, Japan at Korea.
Mayroong sariling munting komunidad ang mga banyagang ito na mapapansing hindi marunong magsalita ng kahit konting Filipino at English. Kung ganito na ‘di pala sila maaaring makipag-usap sa mga kababayan nating nasa paligid ng kanilang “munting mundo” ano ang ginagawa nila rito at bakit sila nagtatagal?
Ano ang kanilang ikinabubuhay at nakakaya nilang magbuhay marangya sa mga nagtatayugang gusaling ito? Mga condominium na sa panaginip lamang maaaring tirahan ng ordinariyong empleyado sa gobyerno man o pribado sa ngayon, dahil sa hirap kumita ng pera kahit na patung-patong pa ang “raket” o sideline ng mga ito!
Kung ang tatanungin naman natin ay ang mga opisyal ng barangay na nakasasakop sa mga high-class na condominium na ito, ay siguradong magkakapareho ang kanilang magiging komento – na malaking bagay ito sa pag-unlad sa kanilang nasasakupan dahil sa sumisigla ang negosyo at iba-pang uri ng hanapbuhay ng mga karaniwang tao sa lugar nila.
Anong lihim ba mayroon ang mga banyaga na ito na kapag natutuhan ng mga natitira pang matitinong opisyal sa Duterte Administration, ay para silang nakahukay ng balon ng langis na magpapasok sa kaban ng bayan ng BILYONES na maipangpupuno sa ating “budget deficit” na hindi na kakailanganin pang manikluhod sa ibang bansa upang mapautang ng ipampupuno sa 2018 budget!
Naglaro ang bagay na ito sa aking sentido komon matapos kong makakuwentuhan ang isa kong kaibigan na nang magretiro sa serbisyo bilang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) ay nagpaka-dalubhasa sa larangang ito, na may kaugnayan sa PINAGKAKAKITAAN ng mga banyaga o EXPAT kung tawagin natin, na nakatira sa mga high-class condominium sa Metro Manila.
Sa INVESTIGATIVE STUDY na binuo niya sa loob ng halos 10 taon na pagsasaliksik ay idinetalye niya ang pamamaraan kung papaano ito magpapasok ng BILYONES sa kaban ng bayan kung makokolekta sa tamang paraan.
Ramdam ko ang pangamba niya…na ang maling PANANAW ng pamahalaan sa negosyong ito, ang nagiging dahilan nang isa-isang pagbabaklas at paglipat sa ibang bansa, ng mga negosyanteng, tulad niya, na nag-PIONEER sa larangang ito sa Pilipinas…Malaking kawalan sa isang bansang naghihikahos na tulad natin!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]