Ni NONOY E. LACSON, at ulat ni Fer Taboy
ZAMBOANGA CITY - Isinuko na ni Pata, Sulu Mayor Anton Burahan sa Joint Task Force Sulu (JTF-Sulu) nitong Biyernes ang sangkaterbang armas at mga bala na nakaimbak sa kanyang bahay, iniulat kahapon ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom).
Paliwanag ni JTF-Sulu commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana, kasama ni Burahan sa pagsuko ng mga armas ang mga opisyal ng barangay sa Pata Island.
Kabilang sa isinuko ng alkalde ang tatlong 81MM mortar tubes, isang 90 RR crew-served weapon, isang barrel ng caliber .50 MG, apat na M16 rifle, tatlong M14 rifle, limang Garand rifle, isang M79 grenade Launcher, at daan-daang rounds ng mga bala.
Nilinaw ni Sobejana na nagawang isuko ni Burahan ang nakatago nitong mga baril matapos masamsam ng militar ang isang arms caché sa Barangay Pisak Pisak, Pata Island, sa combat operation nitong Enero 31.
“Our Abu Sayyaf surrenderee gave information about the caché and we immediately launched an operation in the area,” paliwanag ni Sobejana.
Nakumpiska sa nabanggit operasyon ang isang .50 caliber Machine Gun, 150 rounds ng mga bala ng .50 caliber Machine Gun, tatlong base plates ng isang 81mm mortar, isang bipod ng 81mm mortar, isang tripod ng 81mm mortar, walong rounds ng ammunition ng 81mm mortar, apat na rounds ng ammunition ng 90RR, at 50 rounds ng mga bala ng 60mm mortar.
“We have reasons to believe that there are other war materiel that are being kept since there were mortar base plates and ammunition for mortar and 90RR recovered. This led to our further search and the eventual turn-over of mortars, machinegun and anti-tank weapons by Pata, Sulu mayor and barangay officials,” pahayag pa nito.
Aniya, kilalang pinagkukunan ng matataas na kalibre ng baril at mga kagamitang pandigma ang mga isla ng Pata, Capual at Tongkil sa Sulu.
“We have monitored lawless groups getting their guns and ammunition from these area. More so, the islands are also known safe havens of pirates, bandits and terrorists. As per WestMinCom data, Pata island is lair of the Moktadil brothers, an Abu Sayyaf sub group leader that is known for notoriety of conducting kidnapping and piracy beyond Tawi-Tawi waters,” sabi pa nito.