Ni Charina Clarisse L. Echaluce
Para sa isang ama na nangangailangan ng P2 milyon para sa operasyon ng kanyang 11-buwang anak, ang bawat sentimo ay mahalaga — kaya nagsimula siyang mangolekta ng lahat ng sentimong kanyang matatanggap, at umaasang sa pamamagitan nito ay mabubuo niya ang kailangang halaga.
Sa Facebook, nag-viral si Jeric Trestre makaraan siyang makuhanan ng litrato habang nagbibilang ng kanyang “centavo savings” para sa kanyang anak na si Baby Esang, na kailangang maoperahan kaagad. Kabilang sa mga naipon niya ang limang singko, diyes, at beinte-singko sentimos na barya.
“Biliary atresia po ang sakit ng bata.... Liver transplant is the only cure for Baby Esang. It costs P1.6 million, to be done in Apollo Hospital in New Delhi,” pahayag ni LITRO (LIver TRansplant Operation) Babies Philippines, Inc. founder Jenny Sumalpong sa panayam ng Balita.
Isa si Baby Esang sa 64 na “LITRO babies”.
Ang Biliary atresia ay isang kondisyon sa mga sanggol, kung saan ang bile ducts sa labas at loob ng atay ay may sugat at barado. Hindi makakadaloy ang bile sa bituka, kaya namumuo ang bile sa atay at naaapektuhan nito iyon. Ang resulta, nagsusugat ang atay, nawawala ang liver tissue at hindi ito gumagana, hanggang mauwi sa cirrhosis, ayon sa National Institute of Diabetes and Digestive and Kidney Diseases.
Sinabi ni Jenny, ang nag-post ng litrato sa Facebook, na nadurog ang puso niya nang mamataang nagbibilang ng mga naipong sentimo si Jeric.
Habang isinusulat ito ay malaking bilang ng ‘heart’ ang natanggap ng naturang litrato sa social media, at halos 10,000 na ang mga komento, mahigit sa 35,000 ang Facebook reactions, at mahigit 70,000 na ang shares.
Ang nakakalungkot, kahit viral na ang naturang post, P200,000 pa lamang ang nakokolekta ni Jeric at kanyang asawang si Zai. Kabilang sa naipon ang kita ni Zai bilang isang below minimum wage-earner factory worker, at ang mga donasyon mula sa mga taong naantig sa kanilang istorya. Si Jerry, sa kabilang banda, ay kinailangang tumigil sa pagtatrabaho upang alagaan ang kanilang anak.