ABS-CBN pa rin ang pinakapinanood na TV network noong Enero sa naitalang average audience share na 46%, lamang ng 12 puntos kumpara sa 34% ng GMA, ayon sa datos ng Kantar Media.

Mas pinanood sa urban at rural homes ang ABS-CBN sa bawat bahagi ng bansa, partikular na sa Metro Manila, kung saan nakakuha ito ng average audience share na 42%, laban sa 27% ng GMA. Inabangan din ang Kapamilya network sa Total Luzon, kung saan nagkamit ito ng 43%, kumpara sa 35% ng GMA; sa Total Visayas, kung saan nagrehistro ito ng 55%, laban sa 27% ng GMA; at sa Total Mindanao, kung saan nagtala naman ito ng 51% at tinalo ang 32% ng GMA.

Kinakatawan ng Kantar Media ang 100% ng mga manonood ng telebisyon sa buong bansa sa paggamit nito ng nationwide panel size na 2,610 na urban at rural homes.

Panalo pa rin sa puso ng masa ang FPJ’s Ang Probinsyano (39.9%), na sinundan naman ng nakabibilib na world-class talents ng mga Pinoy sa Pilipinas Got Talent (38.1%).

'Sarap sa pakiramdam!' Kiray mahal na mahal, never niloko ng jowa

Nanatili pa rin ang pamamayagpag ng TV Patrol (32.6%) bilang pinakapinanood na newscast sa bansa, at bumida rin sa mga kabahayan ang nakaaantig na kuwento ng letter senders ng MMK (31.2%).

Samantala, patok din ang mainit na sagupaan ng mga lobo at bampira gabi-gabi sa La Luna Sangre (30.5%) na pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Pumatok din ang tambalang ElNella na bumida kamakailan sa Wansapanataym (29.6%), pati na rin ang maiinit na rebelasyon sa Wildflower (23.3%) na patuloy na inaabangan sa primetime ang nalalapit na pagtatapos.

Kasama rin sa top 10 ang comedy program na Home Sweetie Home (23.2%), at ang Rated K (22.2%) na pinangungunahan ni Korina Sanchez.

Samantala, nanguna rin ang ABS-CBN sa lahat ng timeblocks noong Enero, partikular na sa primetime block (6 PM to 12 MN), kung saan nagkamit ito ng average audience share na 50%, 18 na puntos na mas mataas kumpara sa 32% ng GMA. Ang primetime block ang pinakaimportante ng parte ng araw kung kailan karamihan sa mga Pilpino ay nanonood ng telebisyon at inilalagay ng advertisers ang malaking parte ng kanilang investment upang makaabot sa mas maraming consumers.

Inabangan din ang ABS-CBN sa morning block (6 PM to 12 NN) sa pagtala nito ng 41%, laban sa 32% ng GMA; sa noontime block (12 NN to 3 PM) sa pagrehistro nito ng 47%, kumpara sa 35% ng GMA; at sa afternoon block (3 PM to 6 PM), sa pagkamit nito ng 43%, laban sa 39% ng GMA.

Noong 2017, buong taong nanguna sa national TV ratings ang Kapamilya network matapos itong magkamit ng average audience share na 46%, o 12 na puntos na mas mataas laban sa GMA na mayroon lamang 34%.