Ni BONITA L. ERMAC, at ulat ni Fer Taboy

ILIGAN CITY – Inaresto nitong Biyernes ng hapon ang isa sa pinakamatataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Mindanao, sa Barangay Bading, Butuan City.

Bitbit ang arrest warrant, dinakip ng puwersa ng pulisya at militar si Leonida Guao, alyas “Leah”, “Ligaya”, “Laya”.

Siya ang finance officer ng CPP-NPA Komisyon Mindanao (KOMMID) at responsable sa sistematikong koleksiyon at pamamahagi ng extortion money sa Mindanao.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Nahaharap si Guao sa kasong murder sa Regional Trial Court Branch 7 sa Bayugan City, Agusan del Sur.

Sa isang pahayag, sinabi ni B/Gen. Franco Nemesio M. Gacal, commander ng 402nd Infantry (Stingers) Brigade, na bilang finance officer ng KOMMID, alam umano ni Guao ang lahat ng extortion activities sa Caraga Region, at sa buong Mindanao.

“We hope that she will cooperate with the investigating team in identifying individuals, business eatablishments and organizations that are providing financial support to the CPP-NPA terrorists,” sabi ni B/Gen. Gacal.

Nasa kustodiya ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Police Regional Office (PRO)-13 si Guao.

Kaugnay nito, bantay-sarado ngayon ng militar ang NPA sa Central Visayas kasunod ng pananambang, pagpatay at panununog kay Staff Sgt. Mark Herbert Oberes ng Philippine Air Force (PAF), sa Cebu kamakailan.

Sinabi ni Capt. Anthony Al Pueblas, civil military officer ng 36th Infantry Battalion ng Philippine Army (PA), na mahigpit ang pagsubaybay ng militar sa NPA sa rehiyon upang papanagutin sa pagpatay kay Oberes.