Ni Mike U. Crismundo
BUTUAN CITY- Apat na magkakasunod na lindol ang tumama sa Surigao del Sur kahapon.
Sa pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang unang pagyanig, na may lakas na 2.4 magnitude, ay naramdaman bandang 12:03 ng tanghali.
Naitala ang epicenter nito sa 33 kilometers (km) sa hilaga-silangan ng Bayabas, Surigao del Sur, at may lalim na 32 km.
Nauna nang naramdaman ang 2.3 magnitude na lindol dakong 9:19 ng umaga, na ang sentro ay nasa layong 24 km timog-silangan ng Marihatag sa nasabi ring lalawigan.
Ang nasabing pagyanig ay may lalim na 25 km.
Dakong 6:22 ng umaga naman sa kaparehong araw nang maitala ng Phivolcs ang nasa 2.7 magnitude na lindol.
Ang epicenter ng lindol, na may lalim na 57 km, ay may layong anim na kilometro sa timog-kanluran ng Marihatag.
Nasa 2.4 magnitude din na lindol, na ang sentro ay nasa layong 19 km hilaga-silangan ng Tandag City at may lalim na 50 km, ang yumanig dakong 1:27 ng madaling-araw.
Nilinaw ng Phivolcs na ang apat na pagyanig ay hindi nagdulot ng tsunami.