Ni Mary Ann Santiago

Kinumpirma ni Transportation Secretary Arthur Tugade na sisimulan na nila ang konstruksiyon ng P355.6-bilyon Metro Manila Subway Project ngayong 2018.

Aniya, uumpisahan ang proyekto sa Mindanao Avenue, Quezon City hanggang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Parañaque City.

Target na gawing operational agad ang tatlong istasyon ng subway bago matapos ang taong 2022, kabilang ang Mindanao Avenue, Tandang Sora at North Avenue stations.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“Ang subway, mauumpisahan na po ‘yan before the end of this year. ‘Yung partial operability, sa usapan namin sa gobyerno ng Japan, gusto nila 2022. Ang gusto ko 2021 so tinitingnan namin paano bibilisan,” sabi ni Tugade.

Sa pagtaya ni Tugade, nasa 120,000 pasahero ang kapasidad araw-araw na maseserbisyuhan ng tatlong subway station.

Nabatid na ang proyekto ay may kabuuang 14 na istasyon. Bukod pa rito ang ilalagay na istasyon sa Quezon Avenue, East Avenue, Anonas, Katipunan, Ortigas North, Ortigas South, Kalayaan, Bonifacio Global City, Cayetano Boulevard, Food Terminal Inc., at NAIA.