Ni Fr. Anton Pascual

MGA Kapanalig, habang isinusulat natin ang editoryal na ito, patuloy na nag-aalboroto ang Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay. Mahigit 80,000 katao na ang lumikas mula sa 9-kilometer extended danger zone, at nagsisiksikan sila ngayon sa mga evacuation centers. Nabalot na ng makapal na abo ang maraming bahay at taniman sa mga pamayanang nakapalibot sa bulkan. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, maaaring tumagal pa nang hanggang isang buwan ang paglalabas ng bulkan ng mapaminsalang lava. Patuloy ang ating pagdarasal na nawa’y humupa na ang pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Napakahirap ng kalagayang tinitiis ng ating mga kababayang apektado ng pag-alboroto ng bulkan, lalo na ng mga nasa evacuation centers. Siksikan ang kanilang tinutuluyan. Hindi sila makakain nang maayos, at kulang ang tubig na malinis at maiinom. Walang komportableng higaan, lalo na para sa mga bata, maysakit, at matatanda. Hindi muna magagamit ang mga paaralan, kaya’t marami ang walang pasok. Ang mga palikuran, marumi at may mga hindi gumagana. Kaya’t nadadagdagan ang bilang ng mga nagkakahawahan ng sakit sa mga bakwit.

Tiyak na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang matugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang lumikas. Ang Simbahan, sa pamamagitan ng Social Action Center ng Diosesis ng Legazpi, ay walang pahinga sa pag-aabot ng tulong sa mga nasa evacuation centers. Nagpapakain sila sa pamamagitan ng mga soup kitchens, at binuksan naman ang mga simbahan at mga pasilidad ng mga ito para tuluyán ng mga buntis, nagpapasusong mga ina, mga may kapansanan, at matatanda. Nananawagan din sila sa mga pamilyang malayo sa danger zone na buksan ang kanilang tahanan upang pansamantalang kupkupin ang mga kababayan natin at nang mabawasan ang pagsisiksikan sa mga evacuation centers.

Sa mga ganitong pagkakataon, inuudyukan tayong lahat, lalo na ang mga nasa ligtas na lugar, na ipakita ang ating malasakit at pakikiisa sa mga kapatid nating humaharap sa pagsubok na ito. Huwag sana tayong matigil lamang sa pag-share sa social media ng mga “magagandang” larawan ng nag-aalborotong bulkan. Alalahanin nating sa paligid ng “magandang tanawin” na iyon, libu-libong buhay ang nagambala at marami ang nangangamba sa kanilang ari-arian at kabuhayan sakaling sumabog nga ang bulkan. Sa halip na ubusin natin ang ating oras sa pagpapakalat ng mga mapanirang posts tungkol sa mga taong nagkakamali sa lokasyon ng Bulkang Mayon at sa pakikipagsagutan sa iba tungkol sa isyung ito, bakit hindi natin anyayahan ang ating mga kapamilya at kaibigan na mag-donate sa DSWD, sa simbahan, o sa mga NGOs na tumututok sa kalagayan ng mga naghihirap nating kababayan? (Mahalaga ring tutukan kung napaglalaanan ng sapat na pondo ng pamahalaan, gamit ang ating buwis, ang pangangailangan ng mga bakwit.)

Sa mga munting paraang katulad ng pagbibigay ng donasyon, nagiging saksi tayo sa walang hanggang awa at malasakit ng Diyos; “witnesses of mercy”, ‘ika nga sa Ingles. Gaya nga ng sinabi sa Mateo 25, sa tuwing binibigyan natin ng makakain ang mga taong nagugutom at ng inumin ang mga taong nauuhaw, sa tuwing binibihisan natin ang mga walang damit at pinatutuloy ang mga taga-ibang bayan, sa tuwing kinakalinga natin ang mga maysakit, ginagawa natin ang mga ito kay Hesus, ang ating kapatid.

Marami tayong mga kababayang nangangailangan ng tulong—ang mga nawalan ng tahanan dahil sa giyera sa Marawi, ang mga nasalanta ng magkasunod na bagyo sa Mindanao, at ngayon nga, ang mga kababayan nating lumikas dahil sa nagbabadyang pagsabog ng Bulkang Mayon. At gaya ng sinasabi sa “Panalangin sa Pagiging Bukás Palad,” hilingin natin sa ating Panginoon ang grasya ng pagiging bukas palad, at mabatid sana nating sa pamamagitan ng pagbabahagi sa iba, kalooban ng Diyos ang ating sinusundan.

Sumainyo ang katotohanan.