Ni Clemen Bautista
SA nakalipas na maraming taon at panahon, ang mga ina ng mga sanggol at mga bata sa iniibig nating Pilipinas lalo na ang mga mahihirap ay sinasamantala ang mga programa sa kalusugan na inilulunsad ng Department of Helath (DoH). Isa sa rito ay ang immunization program para sa mga sanggol at mga bata. Dinadala ng mga ina ang kanilang sanggol at mga anak sa Health Center o sa barangay na may doktor at nurse.Pinababakunahan ang mga sanggol ng gamot laban sa measles o tigdas, chickenfox o bulutong, pneumonia, influenza o flu at iba pang sakit na dumadapo sa mga lumalaking sanggol at ng mga bata.
Ang mga mayaman, nakahilata sa salapi ay may sariling pediatrician na nangangalaga sa paglaki ng kanilang mga sanggol at mga anak.
Bunga ng libreng immunization ng mga sanggol at mga bata, sila’y lumalaking malusog, masigla. Bibo. Cute. Hindi nagkakasakit at masipag sa pag-aaral. Maging sa mga public school, ang Department of Health (DoH), bilang tulong sa mga batang mag-aaral ay naglulunsad din deworming o pagpurga sa mga batang mag-aaral. Layunin ng deworming na maligtas o makaiwas sa sakit ang mga mag-aaral bunga ng pagkakaroon ng mga alagang bulate sa tiyan. Karanasan ng maraming ina sa kanilang anak na maraming bulate sa tiyan ay napapansing payat, maputla at malaki ang tiyan. Kahit malakas kumain ay hindi naman tumataba. Kung minsan, ang mga batang mabulate, kapag inubo at nasuka ay may kasamang bulate ang isinuka. Nagbubunga tuloy ng takot at pangamba sa mga ina. Dahil dito, ang bata ay dinadala na sa Health Center. Pinatitingnan sa doktor at inihihingi ng purga.
Sa ngayon, nang mabalitaan ang nangyari sa mga nabakunahan ng Dengvaxia, maraming mga magulang at mga ina ang natakot na at nagka-phobia sa mga bakuna na ibinibigay nang libre ng DoH sa kanilang mga sanggol, at mga anak na batang babae at lalake. Lalo silang natakot nang mabalita rin na may 29 na bata ang iniulat na namatay na nabakuhanan ng Dengvaxia. Hindi pa napatutunayan na ang kamatayan ng mga bata ay dahil sa Denvaxia. Ang pangyari sa mga nabakuhanan ay patuloy na iniimbestigahan ng mga fortensic expert. At batay sa ginawang pagsusuri sa mga namatay, iniulat na ang nabakunahan na namatay ay nagdugo ang utak at bituka. Dumaing ng masakit ang tiyan. Nilagnat. Dinala sa ospital ngunit hindi rin nailigtas sa kamatayan. Ang Dengvaxia ay tinatawag na ngayon ng iba natin kababayan na DISGRASYA.
Ang mga nabakunahan sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ay tinatayang umaabot sa 830,000 na mga batang mag-aaral. Halos lahat ng mga magulang ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia ay saklot ngayon ng matinding takot at pangamba. Ang Senado naman ay nagsagawa na mga hearing o pagdinig. Inimbitahan ang mga mga dating namuno sa DoH upang magpaliwanag sa Dengvaxia vaccine na ang halagang ibinayad ng ating pamahalaan sa Sanofi Pasteur na manufacturere ng nasabing bakuna sa dengue ay umaabot sa P3.5 bilyon ang halagang ibinayad ng ating pamahalaan.
Inanyayahan din ang mga taga-Sanofil Pasteur, ang manufacturer ng Dengvaxia. Sa imbestigasyon at mga pagdinig sa Senado, todo tanggi, iwas-pusoy at turuan ang mga dating namuno sa DoH. Maging ang dating Pangulong Noynoy Aquino ay inanyayahan na rin sa pagdinig sa Senado sapagkat sa panahon niya nangyari ang pagbili ng Dengvaxia vaccine. Sa panahon din ni ex-President Noynoy Aquino inilunsad ang anti-dengue campaign. Habang patuloy na saklot ng takot at pangamba ang mga magulang ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia, naghihintay ang marami nating kababayan sa magiging resulta ng imbestigasyon ng Senado. Mabatid ng samabayanan kung sinu-sino ang dapat managot at parusahan.
Nanawagan naman ang isang Obispong Katoliko sa pamahalaan na tiyakin na ang mga may kinalaman at pananagutan sa anomalya sa bakuna ay kailangang parusahan. Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, muli nilang inuulit ang panawagan sa Senado na ipagpatuloy ang Senate hearing. Ihayag ang mga tunay na resulta ng imbestigasyon. Usigin at parusahan ang may kasalanan.
Nagsimula ang kontrobersiya sa bakuna sa dengue noong Nobyembre 2017 nang ang Sanofi Pasteur na manufacture ng Dengvaxia ay umamin na ang naturang bakuna ay maaaring magpalubha sa panganib ng dengue sa mga hindi pa nagkakasakit ng dengue.