WALANG gobyerno sa mundo sa ngayon, kahit pa ang Amerika, na handa sa pag-atake ng mga hacker, ayon sa isang eksperto sa cybersecurity na humarap sa PilipinasCon 2018 forum on cybersecurity sa Taguig City, noong nakaraang linggo.

Hina-hack ang mga halalan sa iba’t ibang panig ng mundo. “Every single counting machine is hackable,” sabi ng cybersecurity expert na si Marc Goodman. Sa underground hacking conference kamakailan, sinabi niyang 25 iba’t ibang counting machine ang direktang napakikialaman kahit malayo sa mismong hacker. Aniya, mga Pilipinong hacker ang may kagagawan sa pinakamatinding government data breach sa kasaysayan, nang pakialaman ng mga ito ang database ng mga botante ng Commission on Elections (Comelec) at isapubliko ito online noong Abril 2016, isang buwan bago ang eleksiyon ng taong iyon.

Nakapagitna ngayon ang Amerika sa kontrobersiya ng hacking, nang napaulat na pinakialaman ng mga Russian hacker ang mga computer ng mga election official ng Amerika sa huling presidential elections. Bagamat ang imbestigasyon ng independent special counsel na itinalaga ng Department of Justice ay nakatuon sa posibilidad ng sabwatan ng mga Russian at ng mga nangampanya para kay Trump, sinisilip din ng mga imbestigador ang resulta ng halalan sa ilang estado.

Ipinagbawal na ang electronic na botohan sa Germany at sa iba pang mga bansa sa Europa. Nagpasya noong 2009 ang German Federal Constitutional Court na labag sa batas ang electronic voting dahil hindi nito pinahihintulutan ang publiko na mabusisi ang proseso.

Inilunsad sa Pilipinas ang electronic voting nang maghalal ng presidente ang bansa noong 2010, at malugod na tinanggap ng lahat ang makabago at agarang pagtukoy sa resulta ng botohan makalipas ang ilang araw — na dating inaabot ng ilang linggo o buwan.

May mga pangamba at hinalang nagkaroon ng dayaan, subalit hindi kailanman napatunayan ito. Walang resulta ng botohan sa voting precinct na nasertipikahan at nilagdaan ng mga election official sa automated elections, tanging mga bilang na iniluwa ng mga voting machine na ipinadala sa central machine sa kabisera ng lalawigan, na isinumite naman sa national counting center. Ito ang tinukoy ng korte sa Germany — ang kawalan ng pagkakataong mabusisi ng publiko ang proseso — nang magdesisyon ito laban sa electronic voting sa mga halalan sa Germany.

Isinusulong sa Pilipinas ang pagkakaroon ng pinagsama-samang sistema ng electronic voting at manu-manong bilangan.

Kahit paano, magkakaroon ng paper trail, hindi tulad sa kasalukuyang sistema na ipinagwawalang-bahala na lang ang lahat. Gaya nga ng sinabi ng pangunahing tagapagsalita sa Forum on Cybersecurity, si Marc Goodman, hindi ligtas sa hacking ang bawat counting machine.

Walang kakayahan ang mga gobyerno sa bansa laban sa mga modernong cyber criminals, aniya, “because people in power use everything available to fight their enemies and protect themselves from being removed from power.” Hindi tayo handang makiisa sa masamang gawain ng mga taong nasa kapangyarihan, subalit kinikilala natin ang kaalamang ito sa cybersecurity at umaasa tayong makikita ng sarili nating mga opisyal ang kahalagahan ng muling pag-aaral sa kasalukuyang sistema ng ating eleksiyon at magpapatupad ng mga hakbangin upang matiyak ang kaligtasan nito.