Ni Annie Abad
UMAPELA sina Billiards King Carlo Biado at kasamahan nitong sina Roland Garcia at Johann Chua kay President Rodrigo Duterte at Senador Manny Pacquiao na tulungan silang maibalik ang sigla ng sports na Billiards sa bansa.
Nais nilang magkaroon ng suporta buhat kay Presidente Duterte ang Billiards upang muli itong makilala sa bansa gaya ng dati sa pamamgitan ng mga Billiards tournament na isasagawa dito mismo sa Pilipinas.
“Sana po maibalik ang sigla ng Billiards sa bansa kasi medyo tumamlay e, hindi na kagaya ng dati. Maganda po sana kung magkakaroon ng mga tournmanets na dito gagawin sa bansa natin,’ pahayag ni Biado na kikilalanin ding Athlete of the Year ng Philippine sportswriters Association (PSA) ngayong darating na awards night sa Pebrero 27.
“Nanawagan po kami kay Pangulong Duterte na suportahan po kami sa lahat ng events at sana magkaroon ng event dito sa Pilipinas kasi kulang po sa exposure,’ ayon naman kay Garcia na siyang nakalaban ni Biado sa nakaraang World-9 Ball tournament na ginanap sa Doha, Qatar noong Disyembre.
Iyon ang unang pagkakataon na nagsalpokan ang mga Filipino Billiards players sa finals ng nasabing torneo, ngunit si Biado ang ikalimang Filipino na nagwagi dito matapos ang pitong taon.
Huling nakakuha ng titulo sa nasabing World tournament ay sina Francisco “Django” Bustamante, Ronnie Alcano,Alex Pagulayan at ang legend na si Efren “Bata” Reyes.
Gayunman, pinasalamatan din ng mga Billiards players ang mga opisyales ng Billiards Sports Confederation of the Philippines (BSCP) na sina Chairman Putch Puyat at Robert Mananquil at iba pang opisyales sa suporta sa kanilang mga atleta.
“Salamat po sa lahat po ng mga coaches at officials po ng Billiards para sa kanilang suporta sa aming mga atleta. Sana po huwag po kayong magsawa,” ani Chua.