Ni Martin A. Sadongdong
Ipinagtanggol ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na nagbitbit ng Bibliya at rosaryo sa pagpapatupad ng “Oplan Tokhang”, sinabing nais lamang ng mga pulis na gawing “more appealing to the public” ang pagbabalik ng kontrobersiya na kampanya kontra droga.
Sa isang panayam sa telebisyon nitong Biyernes ng gabi, dumepensa si PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa naunang pagpuna ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi dapat gamitin ng mga Tokhangers ang Bibliya at rosaryo sa mga operasyon nito.
“Kanya-kanyang diskarte ‘yon. Kanya-kanyang add-on sa kanilang basic Tokhang guidelines na ibinigay natin sa kanila,” sabi ni dela Rosa. “Dinagdag na lang nila ‘yon to make it (Tokhang) more appealing to the public.”
Nang muling ilunsad ang Oplan Tokhang nitong Enero 29, nagbitbit ng mga Bibliya at rosaryo ang ilang Tokhangers ng Eastern Police District (EPD) nang katukin at pakiusapang sumuko ang ilang hinihinalang sangkot sa droga.
Nakarating sa kaalaman ng CBCP ang insidente, at sinabi ng mga opisyal nito na maituturing na “theatrics” ang ginawa ng mga pulis.
Sa halip, hinimok ng mga opisyal ng CBCP ang PNP na buong tapat na tumalima sa mga bagong patakaran ng Oplan Tokhang upang matiyak na hindi ito maaabuso ng mga pulis.
Una nang inamin ni dela Rosa na armado pa rin ng mga baril ang mga Tokhanger para “self-defense” sa mga drug suspect na magtatangkang pumalag o maging marahas.
Napaulat na mahigit 800 na ang sumuko sa Tokhang simula nang muli itong ipatupad.