BINALAAN ng Food and Drug Administration ang publiko laban sa pagkalat ng mga hindi rehistrado at pekeng gamot at produktong pampaganda sa merkado ng Pilipinas, lokal man o nanggaling sa ibang bansa.

“The public or the consumers must always be vigilant against these fake medicines for they may be contaminated, contain wrong or no active ingredient, could have the right active ingredient but at the wrong dose, and may cause more harm than good to their health if taken,” saad sa pahayag ni Food and Drug Administration Director General Nela Charade Puno.

Nagbabala si Puno kasunod ng pagkakasamsam sa R3 milyon halaga ng mga pekeng over-the-counter at anti-impotence drugs, nang sinalakay ng mga tauhan ng Food and Drug Administration at ng pulisya ang isang abandonadong unit sa M. Dela Fuente Street sa Sampaloc, Maynila, nitong Enero 27.

Aabot sa 46 na kahon na naglalaman ng 15 iba’t ibang brand ng over-the-counter na mga gamot at anti-impotence prescription drugs, gaya ng brand na Cialis at Tadalafil, ang nakumpiska nang sinalakay ang naturang unit na umano’y pagmamay-ari o inookupa ng isang Florenda dela Rose Cortez at asawang si Mushtaq Tahir, isang Pakistani.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Inihayag ni retired Police Chief Supt. Allen Bantolo, officer-in-charge ng Regulatory Enforcement Unit ng Food and Drug Administration, na ang raid ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inisyu ng Manila RTC Branch 28, at sa presensya ni Barangay 439 Chairman Rolando Sison, at ng nangangasiwa sa gusali.

Sinabi ni Bantolo na ang mga nakumpiskang pekeng produkto, na pinaniniwalaang galing sa China at/o sa India, ay ibinebenta nang direkta o online sa minimum order na P10,000 sa mga walang kamalay-malay na dealer, na kadalasan ay nakatira sa mga probinsiya, sa mas mababang presyo kaysa orihinal na halaga.

Samantala, pinayuhan ng Food and Drug Administration ang mga mamimili na iwasang mabiktima ng mga nagbebenta ng pekeng gamot at beauty products, sa pamamagitan ng pagbili ng mga naturang produkto sa mga lisensiyadong botika, at pagtiyak na mayroong Food and Drug Administration Certificate of Product Registration ang bibilhan.