boxing copy copy

NI ANNIE ABAD

BAGO CITY – Tiyak na inspirado ang mga batang fighter sa kompirmasyon nang pagdalo ni Olympian Mansueto “Onyok” Velasco bilang panauhing pandangal sa opening ceremony ng Visayas Preliminaries ng PSC-Pacquiao Amateur Boxing Cup ngayon sa Bago City Sports Coliseum.

Kinumpirma mismo ni supervising technical director Rogelio “Roger” Fortaleza ng Philippine Sports Institute (PSI) ang pagdalo ni Velasco, silver medalist sa 1996 Atlanta Olympics at 1994 Hiroshima Asian Games, bilang pagpapakita ng suporta sa programa ng PSC, gayundin sa kanyang mga kababayan.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ang nakatatandang kapatid ni Onyok na si Roel Velasco ay bronze medalist sa 1992 Olympics sa light-flyweight class.

Bukod sa magkapatid na Velasco, produkto rin ng Bago City ang mga Olympian na sina Reynaldo Galido, Isidro Vicera, Leopoldo Cantancio, Roger Ladon at Larry Semillano sapat para tangahiling ang Bago City na “Boxing Capital of the Philippines”.

Sa kasalukuyan, ang 41-anyos na si Semillano ang head coach ng Bago City boxing team.

“We’re hoping to discover the next Olympians here,” pahayag ni Fortaleza.

Sabak din ang mga koponan mula sa Bacolod City, Morcia, Sipalay, Victorias, San Carlos City, Escalante, Cebu, Mactan, Lapu-Lapu, Leyte, Iloilo, Tacloban at Bohol.

Liyamado ang Cebu City, sa kabila nang pagkawala nang dalawang pambatong fighter na hindi pinayagan makalaban dahil sa kanilang edad.

Kapwa ‘underage’ para sa junior boys class sina Gabriel Tapales (44-46 kg.) at Yer Roge Gura (52 kg.).

“They still lack the required birth year. We are just protecting these young and promising boxers,” pahayag ni Fortaleza.

Sa kabila nito, solid pa rin ang Cebu na binubuo nina Albay Palarong Pambansa gold medalist Eduardo Jimenez Jr., Philippine National Games Antique gold medal winner John Ro Taneo, bronze medalist Limber Cainap, Batang Pinoy triple bronze medalist John Paul Gabunelas at bronze medalist Angelo Bulasa.

“Sayang, maski bata pa sila Tapales at Gura, preparado na sila sa laban,” sambit ni Cebu City head coach Jordan Dopalco.

Sasabak din ang magkapatid na Faith Colin at Mary Nicole Llamas – silver at bronze medalist sa Tagum Palarong Pambansa. in Tagum.

Inihanda ni Bago City Mayor Nicholas Yulo ang ‘red carpet’ para sa mga kalahok at bisita sa dalawang araw na torneo na inorganisa ng PSC , sa pakikipagtulungan ng Office of Senator Manny Pacquiao.