FAKE news. Ito ang sentro ng maraming diskusyon ng publiko sa nakalipas na mga araw, sa online at sa social media, at maging sa Senado, kung saan nagsagawa ng pagdinig ang Committee on Public Information and Mass Media ni Senator Grace Poe ngayong linggo.
Maraming personalidad ang nagsabing biktima sila ng pagpapakalat ng pekeng balita, kabilang na si Sen. Manny Pacquiao, na minsan nang nasulat ng isang blogger na mayroon umanong ibang babae, kumpleto sa litrato ng bahay na umano’y ibinigay ng senador sa kalaguyo, na kalaunan ay napatunayang mali. Isa pang blogger ang nag-akusa kay Vice President Leni Robredo ng pagkakalat ng fake news dahil sa paninira umano sa bansa. Isang umano’y kasunduan ng pamumudmod ng gobyerno sa publiko ng umano’y bahagi ng yaman ng mga Marcos ang kumalat din sa social media, subalit kalaunan ay tinanggal.
Sinabi ni Senator Poe na nagsasagawa ng pagdinig ang kanyang komite upang maunawaan (1) ang hangganan ng responsibilidad at pananagutan ng mga blogger at mamamahayag sa pagpapakalat ng maling impormasyon; (2) ang epekto ng mga online platform gaya ng Facebook sa paghubog sa opinyon ng publiko at pagpapakalat ng maling balita; at (3) ang pananagutan ng pamahalaan sa paggamit at pagwawaldas ng pondo ng taumbayan sa pagpapakalat ng maling impormasyon o pagpigil sa paglalantad ng katotohanan.
Maaaring sumulpot ang fake news saan mang uri ng komunikasyon, subalit ang mga reklamong inilahad sa imbestigasyon ng Senado ay kumalat sa online at sa social media, hindi sa tradisyunal na media tulad ng pahayagan, telebisyon, at radyo. Sinabi ni Senator Poe na maraming blogger ang inaakusahan bilang mga pangunahing nagkakalat ng maling impormasyon, subalit binigyang-diin niya na hindi maaaring hindi saklawin ng batas sa libelo ang mga blogger.
“Although we support a person’s right to freedom of expression, once that writer defames the subject of his article, that writer must be held liable in accordance with our laws,” aniya.
Pinoprotektahan at naninindigan ang ating Konstitusyon sa kalayaan sa pagtatamo ng impormasyon: “No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press….,” saad sa Bill of Rights. Walang sinuman ang pinagbabawalang maglahad ng kanyang saloobin, subalit dapat na handa siyang tanggapin ang responsibilidad ng kanyang inilahad kapag kumalat na ito, lalo na sa mass media.
Ang mga nakasisirang pahayag ay may karampatang parusa alinsunod sa Law on Libel. Pinagtibay ng Kongreso ang Cybercrime Prevention Act of 2012 upang partikular na bigyang parusa ang mga krimeng nakapaloob sa Revised Penal Code, subalit ngayon ay sinasaklaw na rin ang mga computer at communications system, mga network, at mga database.
Darating ang panahon na ang mga blogger sa bansa ay magkakaroon ng paraan upang wastong maipahayag ang kani-kanilang sarili, gamit ang makabagong oportunidad na para sa kanila, nang may “vigilance against silencing of dissent.”