Ni Clemen Bautista
SA kalendaryo ng Simbahan, mahalaga ang ika-2 ng Pebrero, sapagkat pagdiriwang ito ng kapistahan ng Candelaria o Candlemas Day. Ipinagdiriwang ang Feast of Purification ng Mahal na Birheng Maria. Ang Candelaria ay ang ika-40 araw matapos ang Pasko. Ang Candelaria ay ang seremonya ng paglilinis o purification matapos manganak ang isang ina.
At batay sa kautusan ng Diyos na itinakda ni Moises sa mga Hudyo, sinasabing hindi malinis ang isang babae na nagsilang ng sanggol. May naniniwala noon na ang isang ina, matapos manganak ay hindi maaaring magpakita sa publiko.
Hindi rin maaaring humipo ng anumang bagay na pinaniniwalaang itinalaga sa Panginoon.
Kaya pagsapit ng ika-40 araw, naghahandog ang ina ng isang kordero, o tupa, o isang kalapati sa pintuan ng templo.
Kung mahirap, maaaring palitan ang handog ng isang Batu-bato (wild pigeon). Ang kaugaliang ito ay sinunod ni Birheng Maria at ang kautusan na ang panganay na sanggol na lalaki ay ihahandog o ipakikilala sa Panginoon na kinakatawan ng isang saserdote o pari sa templo.
Ang paghahandog sa sanggol ay ginawa nina Birhen Maria at San Jose nang buong puso. Sa bahagi ng Rosaryo na dinarasal ng mga Katoliko, ay ang ikaapat na Misteryo sa Tuwa (Joyful Mystery): “Ang pagdadala sa batang si Jesus sa templo.”
Ang paghahandog sa templo ng panganay na anak na lalaki ay isang kaugalian at ritwal na hindi malilimot sa kasaysayan ng Israel. Ang pag-aalay ng bawat Hudyong panganay na lalaki ay pagpapahayag ng pasasalamat sa mahalagang pangyayari ng nakalipas at ng pananalig sa Diyos na pinagmulan ng lahat ng buhay. Ngunit ang pag-aalay kay Jesus sa templo ay isang hula kung ano ang kanyang magiging buhay. Isang pag-aalay sa Ama para sa katubusan ng lahat ng tao. Isang pag-aalay sa kamatayan sa Kalbaryo.
Ipinahayag din ng Espiritu Santo sa matuwid at banal na si Simeon, na isang propeta, na hindi siya mamamatay hanggang hindi niya nakikilala si Kristong Panginoon. Nang dalhin si Jesus sa templo, natanaw siya ni Simeon sa bisig ng Mahal na Birheng Maria. Sa paniwala ni Simeon, ito’y isang liwanag ng pagpapahayag ng mga Hentil na isang luwalhati naman sa mamamayan ng Israel. Ngunit pagkatapos ng paghihirap, pagpapakasakit at ng kamatayan sa krus ng Mananakop, kasunod na nito ang tagumpay ng liwanag para sa mga tao—ang tunay na tagumpay sa katawan at kaluluwa.
Sa bahagi ng tradisyong Kristiyano kaugnay ng kapistahan ng Candelaria, tanawin kahapon sa Simbahan sa iba’t ibang parokya sa iniibig nating Pilipinas ang pagsisimba ng mga ina kasama ang kanilang sanggol. May dalang kandila na pinabebendisyunan sa pari. Gayundin ang ibang mananampalataya. Nagpabendiyon ng mga kandila sa pari.
Sa paniniwalang Kristiyano, ang liwanag ng kandila ay sumasagisag kay Kristo na Liwanag ng Mundo. At sa buhay nating mga Pilipino, ang mga kandila ay mahalagang gamit sa iba’t ibang pagdiriwang at pagkakataon.
At sa tradisyong Pilipino, ang Pista ng Candelaria ay ipinagdiriwang sa Candelaria, Quezon; sa Mabitac, Laguna; at sa Silang, Cavite bilang kanilang pistang-bayan.
Ipinagdiriwang din ng mga Katoliko sa Western Visayas ang kapistahan ng Nuestra Señora dela Candelaria, ang patroness ng Western Visayas. Ang imahen ay nakadambana sa katedral ng Jaro, Iloilo. Itinuturing itong pinakamalaking pagdiriwang sa Kanlurang Bisaya. Taong 1981 nang dumalaw sa Pilipinas si Saint Pope John Paul II, at ginanap ang beatification ng imahen ng Nuestra Señora dela Candelaria. Mahal na Birhen ng Candelaria, ipanalangin mo po kami.