MAPAPANOOD sa unang pagkakataon ang tambalan nina Janella Salvador at Elmo Magalona sa Maalaala Mo Kaya ngayong gabi. Gagampanan nila ang papel ng childhood sweethearts na susubuking totohanin ang kanilang pag-iibigan sa muling pagtatagpo ng kanilang mga landas.
Simula pagkabata, palagi nang sinusuyo ni Daisy (Janella) si Darling (Elmo). Hindi siya nahihiyang ipagsigawan ang kanyang pagsinta sa lalaki kahit alam niyang hindi siya nito gusto.
Nang magsilaki ay nagkahiwalay sila, at ibabaling ng dalaga ang kanyang panahon sa pamilya, samantalang si Darling naman ay magpapakasaya sa buhay-Maynila.
Pagkaraan ng ilang taon ay muli silang magtatagpo. Makikita ni Darling ang pag-aalaga ni Daisy sa mga nakakabata nitong kapatid -- isang bagay na hindi niya kailanman nakita sa mga babae sa lungsod.
Susubukan niyang mapalapit sa dalaga pero mapapansin niyang hindi na ito tulad noong mga bata pa sila na masuyo sa kanya.
Paano naman kaya susuyuin ni Darling si Daisy? Magkaroon kaya sila ng happy ending?
Makakasama ng ElNella sina Yayo Aguila, Karen Timbol, Hiyasmin Neri, Krystal Mejes, at Marc Santiago mula sa panulat ni Mae Rose Balanay at sa direksyon ni Raz dela Torre. Ang MMK ay pinamumunuan ng Business Unit Head na si Roda C. dela Cerna at Star Creatives COO na si Malou N. Santos.