Ni Niño N. Luces
LEGAZPI CITY, Albay – Bukod sa pagbibigay ng seguridad sa mga evacuee at pagsasagawa ng checkpoints o chokepoints upang mapigilan ang mga residente na pagpapabalik-balik sa pagpasok sa danger zone, inilunsad din ng Police Regional Office (PRO)-5 ang gabi-gabing “gig” upang aliwin at pasayahin ang mga bakwit.
Sinabi ni Senior Insp. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng PRO-5, na ang hakbanging ito ay tinawag na “Oplan KASUROG kan Bakwit (Oplan Ally of Evacuees)”,na parte ng psychological intervention ng PNP para sa mga inilikas na residente dahil sa pagsabog ng Bulkang Mayon.
“KASUROG means kakampi, but it is also the name of PNP Bicol. Yung boredom na napi-feel ng ating mga evacuees doon sa mga evacuation centers, ‘yung anxiety, ‘yung uncomfortable, lahat nandun. ‘Pag wala ka sa bahay mo, talagang wala kang confortability,” ani Senior Insp. Calubaquib.
Aniya, Enero 28 nang sinimulan ang gabi-gabing palabas at dinala rin sa ilang evacuation centers kung saan nagtanghal ang mga propesyunal na dancer at singer tulad sa konsiyerto.
“’Yung security coverage nung PNP is 24/7, but dinagdagan natin ng twist. Ang tawag sa grupo ay psychological intervention team, a team of dancers, singers na mga member ng PNP na may mga talent sa singing and dancing. It was crafted by the PNP regional director Chief Superintendent Antonio Gardiola, Jr,” dugtong nito.
Aniya, karamihan sa mga dancer ay babaeng pulis mula sa iba’t ibang tanggapan ng pulisya, na sumayaw ng “budot” style habang ang mga mang-aawit ay pinangunahan mismo ng regional director.
“Tawag namin sa kanila ay mga majorettes ng Bicol and ginamit natin sila to entertain the evacuees, lalung-lalo na ‘yung mga kabataan. Ano lang, pang-masang sayaw. Ngayon nga, ang gusto ni R.D. ay ‘yung “budots pa more”, kasi eto pala ‘yung sikat sa mga kabataan. Sabi niya, magbu-budots tayo in every evacuation centers,” ani Calubaquib.
Ang gabi-gabing pagtatanghal, aniya, ay mananatili hanggang may bakwit sa evacuation centers.