Ni Nonoy E. Lacson
ISABELA CITY, Basilan – Pinasabugan ng mga pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang bahay ng isang opisyal ng Department of Public Works ang Highways (DPWH) sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), nitong Huwebes ng gabi.
Ipinahayag ng pulisya at militar na ang pambobomba ay ginawa sa bakod ng bahay ni DPWH-ARMM Basilan District Engineer Soler I Undug sa Calle Bisaya, Aguada Village sa Isabela City, Basilan.
Matutulog pa lamang ang pamilya ni Undug nang maganap ang insidente.
Pinaniniwalaang isang uri ng improvised explosive device (IED) ang ginamit sa insidente matapos marekober ng pulisya ang isang IED sa labas ng bahay ni Undug.
Naniniwala ang pulisya na isang cellular phone ang ginamit na triggering device sa pagsabog.
Nagdulot naman ng pangamba sa mga residente sa lugar ang insidente.
Samantala, dalawang miyembro ng Abu Sayyaf, na responsable sa kidnap-for-ransom activities, ang sumuko sa militar sa Sitangkai, Tawi-Tawi nitong Linggo.
Sa ulat ng militar, nakilala ang dalawa na sina Jun Hassan at Titing Alihassan, kapwa residente ng Sitangkai, na sumuko sa Joint Task Force Tawi-Tawi (JTFTT).
Isinuko rin ng mga ito ang kanilang mga armas na isang Garand at isang M16 rifle, kasama na ang magazine ng mga ito na loaded ng 20 bala.
Natukoy na siya ay numero uno sa JTFTT, at ika-868 naman sa arrest order number 3 ng Department of National Defense (DND). habang si Hassan ay kabilang sa JTFTT watch list at number 359 sa arrest order number 3.
Nadiskubre rin na si Hassan ay kapatid ng kidnap-for-ransom group leader na si Butchoy Hassan, na nasawi sa barangay Alari, Sitangkai, noong Marso 14, 2017.