Ni Mary Ann Santiago

Hindi pa rin matukoy ng mga eksperto ang sanhi ng pagkamatay ng mga batang naturukan ng Dengvaxia vaccines.

Ito ang reaksiyon kahapon ng Dengue Investigative Task Force (DITF) ng Philippine General Hospital (PGH).

Nilinaw ng DITF, na binubuo nina Undersecretary Rolando Enrique Domingo ng Department of Health (DoH); Dr. Maria Cecilia Lim, Dr. Gerardo Legaspi at Dr. Juliet Sio-Aguilar, na dapat na isailalim pa rin sa masusing awtopsiya ang lahat ng dengue-related deaths upang matukoy ang tunay na ikinamatay ng mga ito.

Metro

Sec. Dizon, tiniyak maiibsan lagpas-taong baha sa Araneta, QC bago ang tag-ulan

Nauna nang inihayag ng DITF na tatlo sa 14 na kaso ay namatay sa dengue, subalit walang direktang kinalaman sa Dengvaxia.

Hindi pa rin matiyak ng DITF ang dalawa pang kaso, dahil sa kakulangan ng impormasyon, habang anim naman ang mga batang namatay sa ibang sakit.

Gayunman, nagkasakit at namatay ang mga ito sa loob ng 30 araw matapos mabakunahan.

Iginiit ng DITF na kinakailangan pa ng karagdagang pagsusuri ng tissues samples para makumpleto ang imbestigasyon.

Pinagtibay din ng grupo ang pagpapatigil sa dengue immunization program ng pamahalaan dahil hindi dapat isama sa ilalim ng isang “mass immunization program” na hindi sinuri muna kung nagkaroon ng dengue ang isang bata bago maturukan ng bakuna.

Nakatakda ring isumite ng National Expert Panel ng DoH ang kanilang report sa Department of Justice (DoJ) para sa imbestigasyon sa kaso.