Ni Ador Saluta
DAHIL atake sa puso ang ikinamatay ng premyadong direktor na si Maryo J. delos Reyes, nagiging maingat ang ilang celebrities na kinakitaan ng ganitong karamdaman. Natatandaang na-bypass na si Rico J. Puno at himalang naitawid niya ang operasyon.
Kaya sa muling pagharap niya sa press people para sa kanilang concert na Timeless OPM, naitanong kay Rico J. ang kalusugan niya ngayon.
“Alam n’yo, seriously, kulang pa siguro ang contributions ko sa OPM kaya siguro binuhay pa tayo ng Diyos,” pabirong sagot ng OPM icon.
Inatake sa puso noong 2016 ang Macho Gwapito hitmaker habang nasa kasagsagan ng isang concert. Pero ayon kay Rico J., mas maayos na siya ngayon at masasabing naka-recover na mula sa pagkakasakit.
“’Yung unang atake ko ng stroke nagpe-perform ako noon sa Resorts World kaya hinding-hindi ko talaga malilimutan ‘yun. Akala ko nga buntis ako, eh, pero awa ng Diyos okay na ako.”
Aniya, isa sa malaking tulong sa recovery niya ang kanyang trabaho at pagkanta na nagpapalakas ng kanyang loob para lumaban sa naging karamdaman.
“Lagi ko nga sinasabi sa mga kaibigan natin na senior citizen na nagtataka kung bakit ang bilis ko mag-recover, siguro talagang sa energy ng ating trabaho. Eh, malaking tulong talaga ‘yung lagi kang macho sa isip mo, eh,” pahayag pa ni Rico J.
Mapapanood si Rico sa Timeless OPM sa February 14 sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila.