Ni Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
4:30 n.h. -- Blackwater vs Magnolia
7:00 n.g. -- Rain or Shine vs Meralco
ASAM ng Magnolia na mahawakan ang solong liderato sa pakikipagtuos sa Blackwater ngayon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2018 PBA Philippine Cup sa MOA Arena sa Pasay.
Huling tinalo ng Hotshots ang TNT Katropa noong Sabado, 91-83 para sa ika-4 na sunod na panalo na nag-angat sa kanila sa liderato kasalo ng defending champion San Miguel Beer na may parehong barahang 5-1.
Makukuha nila ang solong hawak pansamantala sakaling mananig sa Elite sa kanilang duwelo ganap na 4:30 ng hapon.
Target naman ng tropa ni coach Leo Isaac ang makaahon mula sa natamong tatlong dikit na kabiguan, pinakahuli sa kamay ng Alaska Aces nitong Biyernes, 84-88.
Muling aasahan ni Hotshots coach Chito Victolero ang team effort ng kanyang team lalo na sa depensa na siyang susi sa kanilang tuluy -tuloy na ratsada.
“It’s all about being disciplined on defense. Credit sa players for the team effort, “ pahayag ni Victolero.
Sa kabilang dako, inaasahan namang gagawan ng Elite ng kaukulang adjustments lahat ng kanilang mga naging pagkakamali at pagkukulang upang makabalik sa win column.
Masamang freethrow shooting, gayundin sa field goal percentage partikular sa fourth period na sinabayan pa ng turnovers ang naging dahilan ng pagkasalanta ng Aces para sa 2-4 karta.
Samantala sa tampok na laban, tatangkain ng Rain or Shine na makapagsimula ng winning streak kasunod ng 97-86 na panalo sa NLEX sa nakalipas na Biyernes sa paghaharap nila ng Meralco ganap na 7:00 ng gabi.
Sisikapin naman ng Bolts na makabawi sa 107—88 kabiguan sa Globalport nitong Linggo para sa 2-4 karta.