By PNA
ISINIWALAT ng Department of Health na ang isyu at takot sa bakuna kontra dengue na Dengvaxia ay nakaapekto sa programa ng kagawaran para sa National School Deworming Month, na nagtapos nitong Miyerkules.
Ibinunyag ni Dr. Joshua Brillantes, Department of Health-Region 9 assistant director, na 60 porsiyento ng mga magulang ng kabuuang populasyon ng mga estudyante sa pampublikong paaralan na kailangang mapurga, ay hindi pumayag na sumailalim sa nasabing programa ang kanilang mga anak dahil sa takot sa kontrobersiyang kinasasangkutan ngayon ng Dengvaxia.
Ilang bata mula sa Luzon ang naiulat na namatay dahil sa umano’y masamang epekto ng kauna-unahang bakuna kontra dengue sa mundo.
Sinabi ni Brillantes na ang 60 porsiyento ay bumubuo sa nasa 400,000 estudyanteng hindi napurga sa buong Region 9.
Ang target ng Department of Health ay makapagpurga ng 848,928 estudyante, ngunit 389,089 bata lamang sa buong rehiyon, ang nagpaunlak sa programa ng kagawaran.
“These 60 percent will be considered as a missed opportunity for the children because we want to realize the target of 85 percent accomplishment to have a universal coverage,” lahad ni Brillantes.
Ang bawat bata ay nabigyan ng 400 milligrams Albendazole chewable tablet pagkatapos kumain, sa paggabay ng mga nurse sa paaralan at mga health worker.
Nangamba naman si Brillantes na maaaring manatili sa katawan ng mga batang hindin napurga ang mga parasitiko, na makakaapekto sa pag-iisip at sa nutrisyon ng bata.
Sinabi ni Brillantes na pipilitin ng Department of Health na kumbinsihin ang mga magulang na payagang purgahin ang kanilang mga anak.
Ang layunin ng programa ay mapurga ang mga bata at mabawasan ang pagkalat ng helminthiasis, na nakukuha mula sa lupa, na nagdudulot ng panghihina, kawalang-gana sa pagkain, pagbaba ng IQ, anemia, at iba pa.