Ni Argyll Cyrus B.Geducos

Tutukuyin ng Malacañang ang mga opsiyon kung paano ang gagawin sakaling makumpirma ang mga ulat na pinauupahan o ibinebenta ng mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang mga bahay na ibinigay sa kanila ng gobyerno noong nakaraang taon.

Iniulat na ibinebenta o pinauupahan ng mga miyembro ng Kadamay—na puwersahang inokupa ang pabahay na laan sa tropa ng gobyerno sa Pandi, Bulacan—ang mga bahay na ibinigay sa kanila.

Inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi dapat umano pagkakitaan ng mga miyembro ng Kadamay ang mga bahay na ibinigay sa kanila ng Pangulo.

Probinsya

₱1.8M halaga ng ilegal na sigarilyo, nasabat sa Bacolod; 2 arestado!

Aniya pa, kung mapapatunayang totoo ang mga report, pag-aaralan nila kung ano ang gagawing disposisyon sa mga naturang miyembro.

“Kung mabe-verify itong report na ito na hindi naman pala nila ginagamit bilang bahay itong mga in-occupy nila, titingnan naman po natin ang opsiyon,” sinabi niya sa press briefing sa Baguio City kahapon.

“Hindi naman dapat pagkakitaan iyong binigay na ni Presidente na para magkaroon ng katuparan iyong karapatan ng pabahay sa ilang mga miyembro ng Kadamay,” dagdag pa niya.

Sinabi naman ni Kadamay National Chairman Gloria Arellano na iimbestigahan nila ang mga ulat na ibinebenta umano ang mga nasabing unit.

Gayunman, itinanggi ni Arellano sa isang panayam sa radyo na sangkot ang kanilang mga miyembro sa nasabing isyu.

Ipinahayag ng National Housing Authority (NHA) na iniimbestigahan na nila ang mga report.

Tinatayang 24,000 miyembro ng Kadamay ang umokupa sa halos 5,740 bakanteng unit sa anim na project sites sa Pandi noong Marso 2017. Nagtayo sila ng mga harang sa tapat ng nasabing mga unit upang mapigilan ang mga awtoridad na bawiin ang mga ito.

Nagdesisyon si Pangulong Duterte na ibigay na lang sa Kadamay ang pabahay, na dapat sana ay para sa mga pulis at sundalo, dahil naniniwala siyang may karapatan ang lahat na magkaroon ng sariling bahay.

Una nang sinabi ni Duterte na hindi siya nagtanim ng galit sa mga miyembro ng urban poor group na umokupa sa housing project. Binanggit pa niyang naiintindihan niya ang paghihirap ng Kadamay at ang tangi nilang kasalanan ay ang pagiging mahirap.

Kasunod nito ay hinimok ng Pangulo ang mga sundalo at pulis na iparaya na lamang ang mga bahay na orihinal ay para sa kanila.