Ni Dave M. Veridiano, E.E.
NANG marinig ko kamakailan lang ang pahayag ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na animo’y inaabsuwelto na niya ang 11 pulis na responsable sa pagkakapatay ng dalawang inosenteng sibilyan sa pinakapalpak na operasyon ng Philippine National Police (PNP), na naganap sa Mandaluyong City noong Disyembre 28, ay ramdam ko nang magkakaroon ng malaking development sa kaso sa susunod na mga araw.
“A little bit reckless, I would say. But there was no intention of killing the people there,” ang sagot ni Duterte sa isang reporter na humihingi ng kanyang reaksyon hinggil sa naturang kaso pagdating niya sa Davao City mula sa biyahe sa India noong nakaraang Sabado. “I may reprimand them. I’m not ready to condemn them,” dagdag pa niya.
May narinig din akong ECHO mula siyempre kay PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na nagsabing – naniniwala siyang ang pangyayari ay HONEST MISTAKE lamang ng mga pulis.
Ang kapalpakang ito ay ang pagsugod ng mga pulis sa sinasabing barilan na noo’y nagaganap sa Barangay Addition Hills, ‘di kalayuan sa Shaw Blvd., at ang pagkakabistay ng bala ng mga pulis sa isang SUV, na ang sakay ay mga tao na nagboluntaryong dalhin sa ospital ang isang sugatang babae na pinagbabaril ng mga di pa nakikilalang armadong lalaki.
Dalawa ang namatay – sina Jonalyn Ambaan at Jomar Hayawon -- at may iba pang sugatan nang matapos ang PAGRESPONDE ng mga pulis. Ang lahat ng mga ito pawang inosenteng sibilyan!
Mali umano ang impormasyong nasagap ng mga pulis mula sa mistulang COWBOY na mga armadong tanod na unang sumugod sa lugar na pinangyayarihan ng krimen. At ang kabuuang pangyayaring ito ang malinaw na idinidepensa ng Pangulo!
At hindi naman ako nagkamali ng sapantaha. Parang tugtog ng banda ng musiko na magkakasunod sa tamang kumpas, ang mga naglabasang desisyon ng mga nag-iimbestigang awtoridad, na pawang pumapabor sa 10 pulis at sa kanilang hepeng sinibak sa puwesto.
Bahagyang atungal lamang ang nabasa ko mula sa mga netizen nang lumabas isa-isa ang mga report hinggil sa mga development sa kaso kumpara sa mga pagbatikos na inabot ng PNP ilang oras matapos na pumutok ang naturang kapalpakan ng mga pulis. Tanda ba ito ng kanilang pagsang-ayon o nag-uumpisang kimkim na galit na maaaring sumabog ano mang oras o araw?
Sa gitna ng matinding pagbatikos, ilang araw lamang matapos ang madugong pangyayari, ay agad na kinasuhan ng Mandaluyong Prosecutor’s office ang 10 pulis, ng two counts ng homicide (P40, 000 bail), at two counts ng frustrated homicide (P14, 000 bail). Ang kaso ay na-raffle sa Mandaluyong Regional Trial Court Branch 211.
May konting drama pa rito. Ang ginawang pagkalap ng pera ng mga kapwa pulis sa pamamatnubay ng ilang opisyal sa Eastern Police District (EPD), upang magamit na pampiyansa ng kanilang kasamahan na sinuspindi at nakulong dahil sa naturang kaso. Agad nakalaya ang 10 pulis noong Enero 19 matapos magpiyansa.
Ang sinibak na hepe ng Mandaluyong Police na si Senior Supt. Moises Villaceran Jr, dahil sa kapalpakan ng mga tauhan nito, ay nakabalik na ulit sa ilang araw lamang niya na binakanteng puwesto, sa bisa ng bagong kalatas na ipinalabas ni Director Oscar Albayalde, chief ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Si Diretor Albayalde na pakitang-gilas sa agad na pagsibak kina P01Alfred Uribe, Jave Arellano, Tito Danao, Mark Castillo, Julius Libuen, Bryan Nicolas, Albert Buwag, Kim Rufford Tibunsay, PO2 Nel Lemuel Songalia, at Senior Inspector Maria Cristina S. Vasquez – ay tila siya ring bumi-BEYBI sa mga piyansado nilang pulis!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]