Ni RIZALDY COMANDA

BAGUIO CITY - Tatlo ang nasawi habang anim ang nasugatan matapos na mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang van sa Kilometer 57, Sitio Calasigan, Barangay Cattubo sa Atok, Benguet nitong Martes ng hapon.

Nabatid sa ulat ng Atok Municipal Police na dakong 1:50 ng hapon nitong Huwebes nang magresponde sila sa lugar, kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at nadatnan nila sa may 100 metrong lalim ng bangin ang Hi-Ace van (AEN-382), na may sakay na siyam na katao.

Namatay habang ginagamot sa Atok District Hospital ang driver at may-ari ng sasakyan na si Rey Carias Batong, 38, ng Barangay Guinzadan Norte, Bauko, Mountain Province; at kasamahan niyang sina Mateo Elector Loy-odan Ngade, 34, ng Tadian, Mt. Province; at Lourdes Payacda Balog-ang, 69, tubong Bauko, Mt. Province at nakatira sa Purok 6, Irisan, Baguio City.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Sugatan naman sina Jessy Keth Cambolo Panisigan, 6, Grade 1 pupil ng Star Colleges sa Bgy. Pico, La Trinidad, Benguet; Kyra Panisigan Batawag, 4; Glenda Panisigan Batawang, 41, kapwa tubong Bgy. Guinzadan, Bauko, at nakatira sa Bgy. Lubas, La Trinidad, Benguet; Marilyn Pacio Tomayo, 41, ng Bgy. Poliwes, Baguio City; Apolonia Pacalso, 68; at David Ingaan Caoili Jr., 59, kapwa ng Bgy. Bana-ao, Tadian, Mt. Province.

Ginagamot pa sina Pacalso at Ingaan Jr. sa Benguet General Hospital sa La Trinidad, samantalang inilipat si Panisigan at ang dalawang Batawang ay inilipat sa Pines City Doctors Hospital sa Baguio City.

Batay sa imbestigasyon, sinabi ng residenteng saksi na dakong 1:30 ng hapon nang nag-overtake sa isang Elf truck ang van na patungong Baguio City, bago diretsong bumulusok sa bangin.