Ni Erik Espina
MULING nababalot sa masalimuot na usaping Cha-Cha (Charter Change) ang ating bayan. Sa gitna ng nagbabanggaang talastasan ng mga dating Justice ng Korte Suprema, mambabatas, abogado, pulitiko, komentarista, atbp., hilo na ang madlang-pipol.
May katalasang diwa ang binitawan ni Senador Richard Gordon na sa ganitong plano ng pagbabago sa Saligang Batas, maghinay-hinay at magpakabagal tayo. Bilang nagsusuri at nagtatanong, mahalagang malaman kung talaga bang bukal ang umuusbong na panawagan? Dahil sa nagbabaga din kaya sa damdamin ng sambayanan ang ‘Cha-Cha’? Federalismo? BBL?
Minamane-obra lang ba ito ng mga pulitiko? May malawakang kilusan ba na umusbong mula sa mismong sinapupunan ng sambayanang Pilipino na tumutulak sa 3 nabanggit na isyu? Tunay kaya na karamihan sa atin ay nais rebisahin ang kasalukuyang anyo at nakasanayang pang-unawa sa kalakaran ng porma ng ating gobyerno? Bakit parang padalos-dalos tayo sa ganitong mga mabibigat na pagdistrongka sa ating kinagisnang kasaysayan, impok na karanasan at sistema ng pamamalakad? Hindi ba mainam na idaan sa batas na maging masagana sa pondo at kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan? O limitahan sa pag-amyenda ng Konstitusyon, at huwag kabuuang pag-rebisa nito?
Nauunawaan ba ni Juan de la Cruz ang Federalismo? BBL? Pinapalabas na maraming lider at kilusan ang handang tumalon sa kumonoy ng dilim? Bakit ilulugso sa buong bayan kung naguguluhan ang karamihan pati mga taga-sulong nito? Bakit kailangan ng mahabang pagpapaliwanag, paglilibot sa buong bansa, palamuti ng patung-patong na patalastas ang pagpapakilala sa “manliligaw” na sistema, kung taus sa puso, pag-iisip at kamao natin ang pagpapalit sa pamahalaang nasyunal? Kung totoo ang pag-ibig, wika nga, taong-bayan mismo ang maninindigan at mag-uudyok sa kaganapan ng kanilang tinataimtim na simulain. Bakit sa 195 na bansa sa mundo, 25 lang ang yumayakap sa sistema ng Federalismo, mayorya ‘unitary’? Totoo bang mas magastos ang Federalismo?