SA nakalipas na mga araw ay napansin ng mga motorista at pasahero na dumadaan sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) at sa iba pang karaniwan nang matrapik na kalsada sa Metro Manila ang bahagyang pagluluwag ng trapiko, at malinaw na may epekto nito ang pagsisimula ng kampanya ng gobyerno laban sa mga luma at kakarag-karag na pampublikong sasakyan.
Daan-daang lumang jeepney ang pinagbawalan nang mamasada ng Task Force Alamid ng Inter-Agency Council for Traffic makaraang matukoy ang pagkakalbo ng kanilang mga gulong, kawalan ng headlights kahit na gabi, at pagbuga ng maitim na usok ng mga lumang makina ng kanilang mga sasakyan. Sa kasagsagan ng kampanyang pangtrapiko, maraming driver at operator ng jeepney ang piniling huwag nang mamasada upang makaiwas sa huli at parusa at ma-impound ang kani-kanilang sasakyan.
Gayunman, nagdulot ng problema sa marami ang nasabing kampanya. Dahil walang masakyan, na-stranded ang maraming pasahero sa iba’t ibang dako ng Metro Manila, kabilang ang Quiapo, Maynila, Commonwealth Avenue sa Quezon City, Guadalupe sa Makati City, at Baclaran sa Parañaque City. Ngayong nagkakaproblema pa rin ang Metro Rail Transit (MRT), maraming pasahero ang nahuhuli sa pagpasok sa trabaho o sa eskuwela.
Simula nitong Martes, nakipagtulungan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa planong pahintulutan ang mga bus na bumibiyahe sa Metro Manila na dumaan sa mga ruta ng jeepney, kabilang ang mga rutang inilaan ng Metropolitan Manila Development Authority para sa mga ito. Papayagang magbiyahe ang mga bus tuwing peak hours—simula 5:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga, at 4:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi. Dapat na makatulong ito sa pagresolba sa problema ng mga taga-Metro Manila na matagal nang umaasa sa mga jeepney sa pagbibiyahe Kamaynilaan.
Ang bus plan ay pansamantalang solusyon sa kakulangan ng pumapasada na dulot ng biglaang pagpapahinto sa pagbiyahe ng nasa 1,000 jeepney. Tatlong buwan ang bisa ng mga permit na ito ng LTFRB. Sa huling bahagi ng panahong ito, umaasa tayong nauunawaan na ng mga driver at operator ng mga jeepney sa bansa na hindi nila maaaring ipatigil ang kampanya, na mariing isinusulong ngayon ng administrasyong Duterte, upang isailalim sa modernisasyon ang mga jeepney sa bansa, na napakarami na ang luma, nagdudulot ng polusyon, at halos bulok na ang kaha.
Ang pinakamagagawa na lamang nila ay ang ipaayos ang mga luma nilang sasakyan upang hindi sila maharang ng mga tauhan ng Task Force Alamid. Subalit pinakamainam kung magsasama-sama sila, magtatatag ng kooperatiba, at makikiisa sa pagpapatupad ng modernisasyon sa pagkakaroon ng mga bagong jeepney na nakatutupad sa lahat ng kinakailangan para matiyak ang ligtas na pagbiyahe, ang kaginhawahan ng mga pasahero, at ang proteksiyon ng kalikasan.