Ni Reggee Bonoan
MATINDI ang pilot episode ng Sana Dalawa Ang Puso nitong Lunes, trending agad. Kasi naman pala naka-live streaming ang mga taga-ibang bansa na loyalistang supporters ng tambalang JoChard nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap.
Kuwento ng pinsan namin sa Amerika, nang matapos daw ang Be Careful With My Heart ay naging malungkutin na ang aming Lola Lilia Salonga dahil hindi na napapanood ang JoChard love team na tanging libangan nito kapag naiiwan sa bahay pagpasok sa trabaho ng mga anak.
At 88 years old, ngayon lang humanga nang husto si Lola Lilia na noong nandito pa sa Pilipinas ay ni hindi na-hook sa alinmang soap o teleserye.
Kaya inabangan nila ang balik-tambalan ng JoChard kasama pa si Robin Padilla sa Sana Dalawa Ang Puso noong Lunes.
“Grabe ‘cuz, hahaha ‘di mahintay ni Mama ‘yung S2P IPTV,” kuwento ng pinsan naming si Rowena Salonga, “pinilit niyang panoorin sa TFC TV ang saya-saya niya, tuwang-tuwang mapanood ulit sina Jodi at Richard. Lahat kami nakatutok sa live streaming.”
Sa pagti-trending ng Sana Dalawa Ang Puso last Monday, walang kaduda-duda na milyun-milyong iba pang mga kababayan natin ang nag-abang at nanood.
Masaya rin ng Team Yap at Team Jodi dahil kahit matagal silang nawala sa telebisyon ay hindi sila binitiwan ng supporters nila, at naibalik pa sila sa dati nilang timeslot.
Tuwang-tuwa rin ng Star Creatives team sa naitalang ratings na umabot sa 19.9% vs 6.1% ng katapat nitong programa sa GMA-7.