Ni AARON B. RECUENCO, at ulat ni Rommel P. Tabbad
LEGAZPI CITY – Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaang panglalawigan ng Albay sa iba’t ibang international agency para matiyak na sapat ang maipagkakaloob na tulong sa aabot na sa 85,000 evacuees sa lalawigan, habang pinaghahandaaan ng mga lokal na opisyal ang hanggang tatlong-buwang worse case scenario sa maya’t mayang pagsabog ng Bulkang Mayon.
Sinabi ni Dr. Cedric Daep, hepe ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), na ilan sa mga ahensiyang hiningan nila ng tulong ay konektado sa United Nations (UN).
Gayunman, sinabi ni Daep na nais munang matukoy ng pamahalaang panglalawigan ang partikular na tulong na kanilang hihiliingin, kaya naman tuluy-tuloy silang nagsasagawa ng assessment sa mga evacuation center.
Aniya, batay sa paunang assessment ay kulang ang mga tent para mabawasan ang siksikan sa karamihan ng mga evacuation center, na may kasalukuyang classroom to evacuees ratio na 1:180.
Hanggang kahapon, pumalo na sa 21,987 pamilya o 84,425 katao ang nananatili sa mga evacuation center.
Bukod sa UN, umaapela rin ng tulong ang Albay sa iba pang dayuhang aid group na karaniwan nang umaayuda sa mga bakwit ng Mayon, gaya ng Japan International Cooperation Agency (JICA), at ng Spanish Agency for International Development Cooperation (AECID).
Ayon kay Daep, inaasahan nilang higit na tututukan ng JICA at AECID ang rehabilitasyon ng lalawigan.
Nagsimula na ring bumuhos ang pondo at mga donasyon mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan at non-government agencies, na umaabot na sa P28 milyon, ayon kay Eva Grageda, acting head ng Provincial Social Welfare and Development Office.
Una nang nagbigay si Pangulong Rodrigo Duterte ng P20 milyon sa mga lokal na pamahalaan para sa mga gastusin ng mga bakwit, at nangakong magbibigay pa ng karagdagang P50 milyon.
Hindi naman masabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kung kailan titigil sa pag-aalburoto ang Mayon, kasabay ng pahayag na inaasahang magbubuga pa ang bulkan ng hanggang 50 million cubic meter ng volcanic materials.
Muling naitala ang pagsabog ng Mayon kahapon bandang 8:13 ng umaga, 9:25 ng umaga, at 11:56 ng umaga.
May kabuuang 298 lindol din sa Mayon ang naitala sa nakalipas na 24 na oras, higit pa sa doble ng mga naitala sa nakalipas na araw—na malinaw na indikasyon ng malakas na pagsabog ng bulkan, ayon sa Phivolcs.
Nagsagawa rin kahapon ng aerial inspection sa Mayon ang mga tauhan ng Phivolcs upang maidetalye ang volcanic deposits ng bulkan na posibleng makapinsala sa lalawigan, ayon kay Maria Antonia Bornas, science research specialist ng ahensiya.
Naalarma na rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kalidad ng hangin sa mga bayan na nasa paligid ng bulkan dulot na rin ng ilang araw nang pagbubuga nito ng makapal na abo.
Tinawag ni Nathan Campo, environmental specialist ng Environmental Management Bureau (EMB)-Region 5, na “acutely unhealthy” ang hangin sa Albay, na lubhang mapanganib sa mga residente.