KINILALA ang makasaysayang tagumpay ng Santa Clara Stockfarm sa taong 2017, tampok ang Triple Crown ng pamosong alaga na Sepfourteen, sa ginanap na Philippine Racing Commission’s 2017 Horse Racing Top Industry Players Awards nitong Linggo sa Chantilly Bar and Bistro sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite

Tinanggap ni owner Oliver “Jojo” Velasquez ang parangal sa SC Stockfarm bilang Stakes Race Horse Owner of the Year (376 puntos) at Horse Breeder of the Year (200 puntos) sa payak na programa na dinaluhan nang mga stakeholders ng horse racing industry.

Nakamit din ni Velasquez ang dalawang titulo para sa matikas na Sepfourteen bilang Top Earning Horse of the Year na may kabuuang premyong nakamit na P6,730,000.00 at Stakes Race Horse of the Year na may 156 puntos.

“Last year was a historic one for SC Stockfarm, we were truly blessed. The task now is how to at least duplicate that achievement. It will be very difficult, but the challenges are what keep us going,” sambit ni Velasquez.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Kinilala rin ang trainer ng Sepfourteen na si Tomasito Santos bilang Stakes Race Horse Trainer of the Year (352 puntos), habang si Triple Crown winner’s jockey John Alvin Guce ang tumanggap ng Stakes Race Jockey of the Year (256 puntos).

Batay sa gross earnings, nakuha ni Narciso O. Morales ang parangal na Top Earning Horse Owner of the Year, tangan ang kabuuang kinita na P66,438,950.54. Tinanggap ng kanyang anak na si Kennedy Morales ang tropeo.

Napunta naman ang Top Earning Trainer of the Year award kay Ruben S. Tupas, kung saan kumita nang kabuuang P75,609,649.80 ang alagang pangarera, habang si O’Neal P. Cortez ang Top Earning Jockey of the Year (P43,648,942.02).

Ang 9th Mayor Bagatsing Cup ang Most Successful Racing Festival of 2017 sa kabuuang kinita na P40,008,998.00. Tinanggap ni dating Rep. Amado S. Bagatsing ang tropeo.

Kinilala naman ang Metro Manila Turf Club sa Malvar, Batangas bilang Racing Club of the Year na may gross sales na P2,476,727,344. Tinanggap ni Atty. Alexander Carandang, head ng Metro Turf’s Corporate Affairs at Member of the Board of Directors, ang parangal.

Nakamit naman ng Manila Jockey Club Inc. sa Carmona, Cavite, ang Racing Club of the Year Based on Prizes na nakapagtala ng average Horse Prize na P135,223.78. Si MJCI president at CEO Atty. Alfonso Victorio G. Reyno III ang tumanggap ng tropeo.

Sa ‘Gabi ng Parangal’ – na nakasabay ang pagdiriwang ng Japan Cup – ipinahayag ng Japanese Racing Authority officials na sina Sadamichi Imabayashi, Kazuhiro Youfu, Hiroyuki Koezuka at Masashi Shojualso ang rekomendasyon sa tatlong premyadong race tracks sa bansa -- MJCI’s San Lazaro Park, Philippine Racing Club’s Santa Ana Park at Metro Turf – para mas mapataas ang kalidad at kondisyon nang kanilang race course.