Nina FER TABOY at ALI MACABALANG
Pinaghahanap ngayon ng pulisya at militar ang presidente ng isang state-run college na nakatakas sa drug raid sa kanyang staff house sa Arakan, North Cotabato nitong Lunes ng madaling araw, kung saan nasamsam ng mga awtoridad ang 13 matataas na armas at aabot sa P500,000 halaga ng shabu.
Ayon sa North Cotabato Police Provincial Office (NCPPO), napag-alaman sa intelligence report na may direktang ugnayan sa teroristang grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) si Dr. Samson Molao, presidente ng Cotabato Foundation College of Science and Technology (CFCST), bukod pa sa hinalang sangkot ito sa kalakalan ng ilegal na droga sa lalawigan.
Sa pangunguna ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director for Special Enforcement Services Levi Ortiz, katuwang ang pulisya sa Central Mindanao, sa bisa ng search warrant ay sinalakay ang staff house ni Molao sa Barangay Doroluman sa Arakan bandang 3:00 ng umaga nitong Lunes.
Bukod sa nasabing halaga ng shabu, kabilang sa 13 armas na nasamsam sa bahay ni Molao ang AK-47, M-14, at M-16 rifles.
Ayon sa report ni PDEA-Region XII Director Valente Cariño, bagamat wala sa lugar si Molao ay inaresto ng mga awtoridad ang limang lalaki na naabutan sa bahay.
Taong 2014 nang mapatay si CFCST Vice President Delfin Moreno, makaraang batikusin si Molao. Dahil dito, nagkasa ng kilos-protesta ang mga estudyante ng kolehiyo upang hilingin ang pagpapatalsik sa puwesto sa presidente noong 2016.
Tinambangan naman at nasugatan si CFCST Administrator Cedric Mantawil at ang propesor na si Harris Sinolinding, kapwa sumuporta sa nasabing protesta, sa magkahiwalay na ambush noong 2017 at 2016, ayon sa pagkakasunod.
Iniuugnay din sa nasabing kontrobersiya ang pagpatay sa nakababatang kapatid ni Sinolinding na si Dr. Sahid Sinolinding, na pinaslang sa kanyang klinika sa Cotabato City noong Mayo 18, 2017.