SA buong 18 buwan na ipinatupad ng gobyerno ang kampanya nito laban sa ilegal na droga sa bansa, naglabasan ang magkakaibang bilang ng mga napatay sa nasabing mga operasyon. Sa isang kaso na inihain sa Korte Suprema, nakasaad na may 4,000 hinihinalang sangkot sa droga ang napatay at inatasan ng kataas-taasang hukuman si Solicitor General Jose Calida na isumite ang mga police report tungkol sa nasabing mga pagkamatay.
Malinaw na sa kabila ng mga operasyon ng pulisya at ng libu-libong namatay sa mga ito sa iba’t ibang panig ng bansa, nananatiling pangunahing problema sa Pilipinas ang ilegal na droga. Minsan nang binawi sa Philippine National Police (PNP) ang pangangasiwa sa kampanya dahil sa maraming pagkamatay sa mga operasyon nito, subalit ngayon ay muling ibinalik ng Pangulo ang “Oplan Tokhang” ng pulisya.
Gayunman, sa pagkakataong ito ay kinailangang magpatupad ng mga istriktong panuntunan. Isang grupo ng mga pulis na may apat na miyembro ang dapat ngayong makipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at sa mga lokal na pamahalaan upang maberipika ang kanilang impormasyon, bago katukin ang bahay ng puntiryang pasukuin. Sa araw lamang gagawin ang nasabing operasyon kontra droga — simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon — at mula Lunes hanggang Biyernes lamang.
Magsusuot ang grupo ng mga pulis ng mga body camera at pangungunahan ng isang opisyal. Hindi sila gagawa ng anumang hakbangin laban sa mga adik at tulak. Sa halip, idudulog nila ang kaso nito sa drug enforcement unit na magsasagawa ang case buildup. Hiniling ni Department of Interior and Local Government (DILG) Officer-in-Charge Eduardo M. Año sa publiko na i-report sa DILG field office, sa National Police Commission, o sa People’s Law Enforcement Board sakaling nagkaroon ng anumang pag-abuso sa pagsasagawa ng operasyon kontra droga.
Magpapatuloy ang malawakang kampanya kontra droga gamit ang mga nasabing panuntunan na layuning maiwasan ang mga pag-abuso na posibleng nangyari noon. Sa pagsisimula ng bagong taong 2018, iniulat ng PDEA na 5,072 sa 42,036 na barangay sa bansa ang idineklarang drug-free—na nangangahulugang walang drug laboratory, walang drug den, at walang tulak at adik sa nasabing mga lugar. Dapat lang na magpatuloy ang kampanya hanggang ang lahat ng barangay sa bansa ay tuluyan nang malinis sa droga.
Ang paglilibot at pagkatok ng mga pulis sa “Oplan Tokhang” ay bahagi lamang ng kampanya. Dapat na humanap ng paraan ang gobyerno upang mapigilan ang pagpasok ng shabu sa bansa. Ang marahil ay huling malaking kontrabando ay ang P6.5-bilyon shabu na nakalusot sa Bureau of Customs sa Maynila, na nabunyag lamang nang salakayin at makumpiska ito sa dalawang bodega sa Valenzuela.
Nariyan din ang usaping legal sa Korte Suprema na inatasan ang pamahalaan na ilabas ang mga record sa pagkamatay ng nasa 4,000 katao sa mga operasyon ng Tokhang. Napaulat na kamihan sa mga biktima ay pumalag sa pag-aresto kaya binaril ng mga pulis, subalit may mga kasong kuwestiyonable, tulad ng pagpaslang sa mga menor de edad sa Caloocan City.
Kailangan na nating tuldukan ang mga kasong ito upang maipatupad ang bagong Oplan Tokhang nang walang pagdududa sa ating mga pulis na tutupad lamang sa kanilang misyon na linisin ang bansa sa banta ng ilegal na droga, na nananatiling malaking problema nating lahat.