Ni Tara Yap
ILOILO CITY – Aabot sa P18 milyon halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa isang mag-asawa sa anti-drug operation sa Dumangas, Iloilo, nitong Linggo.
Ayon kay Police Regional Office (PRO)-6 director Chief Supt. Cesar Hawthorne Binag, ang nasamsam sa nasabing operasyon, na pinangunahan ni Senior Supt. Marlon Tayaba, ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO), ang pinakamalaking nakumpiska sa buong Western Visayas.
Aabot sa isang kilo ng shabu ang nakuha mula kay Jose Alberto Pinaga at sa live-in-partner niyang si Maebelle Belmonte, kapwa tubong Silay City, Negros Occidental.
Mula sa Batangas, nagbiyahe sina Pinaga, 32, at Belmonte, 30, sa Roll on-Roll off (RoRo) Ports. Sakay sa nirentahang van, nagtungo sila sa pantalan sa Malay, Aklan at dumiretso sa timog-silangan ng Dumangas Port, kung saan muli silang maglalayag patungong Negros Occidental.
Sinabi ni Tayaba na habang naghihintay sa pantalan, nilapitan ang mga suspek ng undercover police para bumili ng dalawang sachet ng shabu sa halagang P50,000.
Sa pag-iinspeksiyon sa gamit ng dalawa, isang mas malaking pakete ng shabu ang nadiskubre, na tinatayang nasa isang kilo.
Sa imbestigasyon, pinangalanan umano ni Pinaga ang kanyang mga contact sa Negros Occidental, na nagbunsod upang maaresto ng Negros Occidental Police Provincial Office si Corazon Vergel sa Bacolod City.
Nakumpiska ng mga pulis mula sa senior citizen na si Vergel ang shabu na aabot sa P180,000.