Ni ADOR SALUTA
SA panayam ni Ms. Korina Sanchez kay Mark Anthony Fernandez sa Rated K, inamin ng aktor na dumating siya sa puntong inisip ang pagpapakamatay habang nakakulong sa piitan sa Angeles, Pampanga. Nakulong si Mark noong October 16, 2016 nang mahulihan ng marijuana.
“Opo. (Dahil) hindi ko ma-accept ‘yung nangyari kasi sabi ko inosente po ako. Hindi po ako dapat nandito,” sabi ni Mark na napawalang-sala kaya nakalaya.
Habang nahihirapan sa kulungan, sinabi ni Mark na kinakausap din niya ang pumanaw na amang si Rudy Fernandez.
“Kinakausap ko yung Papa ko. Sabi ko, ‘Pa, tulungan n’yo akong makalabas dito. Sabihin n’yo po kay God, tulungan akong makalabas dito. Mahal na mahal ko si Papa.”
Pero ang pinakamahirap daw ay ‘yung malayo siya sa kanyang mga mahal sa buhay.
“Naaalala mo kung kumusta ang asawa mo, ang mama mo. Kasi ikaw dapat nag-aalaga nu’n. ‘Yung alam mong nahihirapan ang pamilya mo sa labas.”
Ayon sa ulat, nag-umpisa ang paggamit ni Mark ng marijuana nang magkahiwalay at hindi sila magkatuluyan ng girlfriend at ka-love team na si Claudine Barretto.
Ani Vandolph Quizon, kapatid ni Mark, “Si Mark, talagang nasaktan. Talagang tinamaan siya sa paghihiwalay nila ni Clau. Ang dami niyang pinagdaanan…”
Ayon pa sa report, dalawang beses na nagpapasok sa rehas si Mark.
Pinabulaanan naman ng aktor ang fake news na nakabuntis siya ng dalawang policewoman habang nakakulong sa Pampanga. Ayon sa aktor, hiyang-hiya daw siya sa dalawang babaeng pulis na nagpa-picture lang naman sa kanya noon. Ang mga naturang larawan diumano ang siyang kumalat sa social media at mabigyan ng malisya.
Ngayong malaya na si Mark Anthony, meron siyang mensahe para sa lahat, “Lagi n’yong uunahin ang pamilya at lagi n’yo dapat sentro si God. With regard naman sa marijuana, ‘wag na lang din nilang subukan kasi illegal ‘yun sa ngayon.”