Ni Manny Villar

NAHIHIRAPAN ba kayong kumilos kung hindi makainom ng kape sa umaga? Matamlay ba ang inyong pakiramdam kung hindi nakatanggap ng caffeine? Kung oo ang inyong sagot, kayo ay sertipikadong adik sa kape.

Ang paglago sa bilang ng umiinom ng kape ang dahilan ng tila kabuteng pagsulpot ng mga coffee shop o kapihan sa bansa.

Sa nagdaang panahon, mas pinipili namin ang kape sa bahay. Wala kaming coffee maker sa bahay kaya ang pagluluto ng kape ay sa pamamagitan ng pagpapakulo ng giniling na kape sa kaserola. Halos hindi kilala ang coffee shop maliban na lamang ang mga nasa restoran, mga kainan sa palengke o sa mga tindahang sari-sari.

Sa umaga, napupuno ng bango ng bagong lutong kape ang aming bahay. Karaniwan itong ipinapareha sa mainit na pandesal, na kung minsan ay isinasawsaw sa kape bago kainin. Ang tanawing ito – tuwing umaga – ay nakalimbag na sa aking alaala.

Ito rin ang isa sa pinakamagagandang alaala ng aking ina, si Nanay Curing, na dalawang taon nang namayapa. Nagluluto siya ng kape at binibigyan ako ng isang tasa bago kami maglakad patungong palengke pagkalipas ng hatinggabi.

Ngayon, halos bawat kanto ay may coffee shop. Ang mga kapihang pag-aari ng Pilipino o dayuhan man ay nagsulputan sa Metro Manila at iba pang lungsod upang tugunan ang uhaw ng mga mahilig sa kape.

Ngunit ang coffee shop ay hindi lamang para sa pag-inom ng kape. Ito ay isa ring dako ng tagpuan ng magkakaibigan, magkakasosyo sa negosyo, para sa pag-aaral o maging sa paghahanapbuhay. Karaniwang isinasagawa ko ang aking mga pulong ukol sa negosyo sa Coffee Project, na aming binuksan noong 2014. Napakarami kong nakikitang mga tao na nagkikita roon o nasa harap ng kanilang mga laptop.

Sa ngayon, ginagamit ng maraming tao ang coffee shop bilang dako ng kanilang negosyo. Sa halip na mag-biyahe araw-araw patungo sa opisina, naglalakad na lamang sila o sumasakay para sa maikling biyahe patungo sa coffee shop o sa pinakamalapit na mall.

Ito ay malaking tulong sa mga tao upang mabawasan ang oras sa paglalakbay. Isipin ninyo na lang kung nakatira kayo sa Commonwealth sa Quezon City at nagtratrabaho sa Makati. Napakalaking panahon ang ginugugol sa pagpila sa MRT o sa paghihintay ng ibang masasakyan.

Malaki ang epekto ng problema sa trapiko sa productivity. Ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), maaari tayong mawalan ng P6 bilyon bawat araw sa taong 2030 kung hindi natin malulunasan ang problema sa trapiko.

Kapag nagsasagawa ako ng pulong sa Coffee Project, napapansin ko rin ang mga kabataan na kapiling ang kanilang mga aklat, katabi ang isang tasa ng kape.

Para sa karamihan, ang coffee shop ay isang santuwaryo para sa kuwentuhan, mahabang diskusyon o sa pagbabasa ng aklat. May mga coffee shop na nagtitinda na rin ng aklat at nagbibigay ng oportunidad para sa pagbabasa ng tula o pagtatanghal ng musika.

Sa katunayan, ang ideyang ito ang dahilan na paglulunsad namin ng Coffee Project. Mainam na may dako upang pag-istambayan, na nag-aalok ng mainit na kape.

Sa maraming taon ko sa pulitika, hindi ko na mabilang kung ilang desisyon ang nagawa ko habang umiinom ng kape. Ito rin ang karanasan ng mga tinatawag na decision maker sa bansa, habang umiinom ng kape sa isang hotel, restoran o sa mga pahingahan sa Senado at sa Mababang Kapulungan.

Marami nang naging pagbabago sa konsepto ng coffee shop sa paglipas ng mga taon, ngunit nananatili ang karanasang dulot ng kape.

Kape tayo?

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)