Ni Aaron B. Recuenco
LEGAZPI CITY – Mga batong kasing laki ng kotse at bahay ang makikitang gumugulong pababa sa paanan ng Bulkang Mayon, sa muli nitong pagsabog nitong Lunes.
Subalit ang mga higanteng bato na ito at ang sangkatutak na abo at pyroclastic materials na ibinuga ng bulkan ay maliit na bahagi lamang ng 50 million cubic meters ng volcanic materials na inaasahan ng mga eksperto na ibubuga pa ng Mayon bago tuluyang kumalma.
Sinabi ni Undersecretary Renato Solidum, director ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), na ang pagtaya sa 50 million cubic meter ejectable materials ay batay sa computation na ibinase sa mga nakalipas na pagsabog ng bulkan.
“So we cannot really say at this point as to how long the Mayon rumbling would be,” sabi ni Solidum.
Sinabi naman ni Paul Alanis, senior volcanologist, na may posibilidad na ang 50 million cubic materials volcanic materials ay ibubuga ng Mayon sa serye ng malalakas na pagsabog, o maaari namang sa mga pagputok na nasaksihan sa Mayon sa nakalipas na mga linggo.
“It is still 50-50 chance. We could not make a definitive answer on that,” sagot ni Alanis nang tanungin kung kailan itotodo ng bulkan ang pagsabog bago ito tuluyang kumalma.
Simula Enero 13 hanggang Enero 25, tinaya ng Phivolcs na aabot na sa 25 million cubic meters ng volcanic materials ang naibuga ng Mayon.
Subalit ang 25 million cubic meter materials ay 30 porsiyento lamang ng inaasahang output. Ang nasabing bilang ay hiwalay sa 50 million cubic meter pa na inaasahan ng mga volcanologist na ibubuga ng Mayon sa mga susunod na araw o linggo.
Nananatili ang Alert Level 4 sa Mayon hanggang kahapon, at may kabuuang 21,880 pamilya o 84,339 na katao ang kasalukuyang nakatuloy sa 77 evacuation center sa mga siyudad ng Legazpi, Ligao, at Tabaco, at sa mga bayan ng Guinobatan, Camalig, Daraga, Sto. Domingo, Bacacay, at Malilipot.