Ni Mary Ann Santiago

Hindi papayagan ng Simbahang Katoliko na makalusot ang panukalang term extension sa isusulong na Charter Change (ChaCha) ng mga mambabatas.

Ayon kay San Beda College Graduate School of Law Dean Fr. Ranhilio Aquino, isa sa mga itinalaga ng Pangulo sa 25-member consultative committee, ang Kongreso pa rin ang magtatakda ng panibagong konstitusyon at hindi ang nasabing committee.

Tiniyak ni Aquino na mahigpit siyang magbabantay upang walang makalusot na probisyon na isang pagmamalabis sa konstitusyon.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Ipinaliwanag ni Aquino na ang tungkulin ng consultative committee bilang mga eksperto sa Saligang Batas ay suriin ito at makapagbalangkas ng naaangkop na hakbang para sa pag-amyenda nito.

Nanindigan siya na ang pag-amyenda ng konstitusyon ay dapat na nakatuon sa layuning mapaganda ang pamamahala ng bansa sa pagsusulong ng pagkakaroon ng mas epektibong Saligang Batas, at hindi para sa pansariling interes ng mga mambabatas tulad na lamang ng term extension.

Sinabi pa ng pari na mayroon nang draft constitution ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kung kaya’t iginigiit ng mga kongresista ang pagsusulong ng pagrebisa o pag-amyenda ng Saligang Batas kahit walang partisipasyon ang Senado.

“I just have to tell this to the people, I don’t think that they should think that the consultative committee will cast a new constitution by itself kasi sa totoo lang may draft na constitution na hawak-hawak na ng Lower House and that is why they are pushing to be able to introduce revisions or amendments to the constitutions kahit wala na ang Senado because may draft na sila, so iba yung trabaho namin talaga its not to write from zero,” aniya.

Itinuturing ni Aquino na isang karangalan ang kanyang pagkakabilang sa komite.

“I would be doing our country a service by contributing what I can naman sa pagbabalangkas ng isang bagong saligang batas and seeing to it na I serve as some kind of a watch-dog against some excesses that may find a way into the constitution…” pagtitiyak niya.