Ni Bert de Guzman

NALULUGI raw ang gobyerno ng P48 bilyon bawat taon o P4 bilyon bawat buwan na napupunta lang sa mga gambling lord na nagpapatakbo ng Small Town Lottery (STL) sa Luzon outlets. Sa pagbubunyag ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on games and amusements, ang monthly gross collections mula sa STL sa 8 rehiyon sa Luzon, ay P6.05 bilyon na mas mataas sa kasalukuyang buwanang koleksiyon na P1.7 bilyon mula sa Authorized Agent Corporations o AACs.

May mga hinala na ang STL ay ginagawang pronta lamang ng mga jueteng lord na nagkakamal ng bilyun-bilyong kita. Sila rin umano ang mga may-ari ng STL outlets. Binanggit ni Lacson na sa Metro Manila ay may P30-P34 milyong koleksiyon; Cordillera Administration Region, P8.4 milyon; Ilocos, P20-P22 milyon; Cagayan Valley, P14-P15 milyon;Central Luzon, P40-P45 milyon; Calabarzon, P50 milyon; Mimaropa, P7-P7.5 milyon; at Bicol, P19 milyon.

Natatandaan ng taumbayan ang pahayag noon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte: “Just a whiff of corruption” o sa Tagalog “Kahit sa munting alingasngas ng katiwalian”. Naghihintay ang mamamayan kung sisibakin ni PRRD ang mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bunsod ng anomalyang ito o pakikinggan niya si PCSO board member Sandra Cam na may katarantaduhan at katiwaliang nangyayari sa PCSO.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Marami ang bibilib kay Mano Digong kapag itinuloy niya ang banta sa Kuwaiti govt. na pauuwiin ang lahat ng Overseas Filipino Workers na nagtatrabaho roon kapag gumawa pa ng isang insidente ng rape sa Pinay ang among Arabo na nauwi sa pagpapakamatay. “I will never, never, never again tolerate one more incident of rape to the point of committing suicide, jumping out of the window--that is something the Filipino people cannot stomach”. Bravo Mr. President.

Binigyang-diin ng machong presidente na ayaw niyang makipag-away sa Kuwait, pero dapat daw tratuhin ang OFWs nang may dignidad at hindi parang alipin. Ipatitigil ni Mano Digong ang deployment ng mga OFW sa Kuwait at pauuwiin pa niya lahat kapag nagpatuloy sa pang-aabuso ang mga Arabo roon, lalo na sa kababaihang Pinay. Malalaman daw ng Kuwait kung gaano kahalaga ang ating OFWs doon dahil hindi makapagtatrabaho ang mga Kuwaiti sapagkat walang mag-aalaga sa mga bata, o maglilinis sa bahay.

Sa muling paghawak ng PNP sa Oplan Tokhang, may mga pagbabago na itong isasagawa kaugnay ng mga operasyon nito.

Ipagbabawal na ni Gen. Bato ang Oplan Tokhang sa mga komunidad kung gabi. Isasagawa lang ang Toktok at Hangyo (Tokhang), dalawang Visayan words, sa araw (daytime) mula 8am hanggang 5pm mula Lunes hanggang Biyernes. Walang Oplan Tokhang sa weekend bilang pagrespeto raw sa rights to privacy ng mga indibiduwal.

Inamin ni PDu30 na ipinatawag niya sa Davao City si gambling operator Charlie “Atong” upang tumulong sa paglilinis sa PCSO. Sinabihan niya si Atong na siya ay number one gambler sa siyudad. “Hawak mo lahat. Huwag tayong magbolahan.

Punta ka roon sa PCSO, hintuin mo yang lahat ng ilegal at tulungan mo ang gobyerno. Kung ganoon po, Ginoong Pangulo bakit nalulugi pa rin ang gobyerno ng P48 bilyon na umano’y nasisilid lang sa bulsa ng mga gambling lord? Anyare?