Ni Bella Gamotea
Sinimulan kahapon ang pagbabalik ng Oplan Tokhang sa katimugang bahagi ng Metro Manila.
Sinabi ni Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., director ng Southern Police District (SPD), na tig-tatlong bahay sa lungsod ng Parañaque, Taguig at Muntinlupa ang target ng pulisya sa operasyon na inumpisahan dakong 1:00 ng hapon.
Sa ilalim ng Oplan Tokhang, bibisitahin ng mga tinatawag na Tokhanger ang mga bahay ng mga hinihinalang drug personality at kukumbinsihin silang sumuko at magpagamot.
Ayon kay Apolinario, dumaan sa mabusising seminar sa mga nakalipas na araw ang mga napiling Tokhanger para maging magaling sa paghikayat na sumuko ang mga nasa drug watchlist.
Magmula kahapon, asahang pagsusunud-sunorin na ng pulisya ang pagpapasuko sa mga indibiduwal na sangkot sa ilegal droga sa katimugang Metro Manila kabilang ang Pasay, Makati, Las Pinas at Pateros.
Noong Disyembre, itinigil ni Pangulong Duterte ang Oplan Tokhang at inilipat ang pamumuno ng laban kontra droga sa Philippine Drug Enforcement Agency mula sa pulisya matapos ang matinding batikos na inani nito dahil sa libu-libong namatay sa anti-drug operations.