Ni Ric Valmonte

NAGBANTA si Pangulong Duterte na iuutos niyang huwag nang palabasin ang mga Pilipino para magtrabaho sa ibang bansa.

“Hindi ko na tutulutan muling mangyari pa ang isang mangagawang Pilipino ay magahasa sa Kuwait,” sabi ng Pangulo bago siya lumipad patungong India. Aangkinin daw niyang responsibilidad ang anumang kahihinatnan, social o economic, ng pagpapahinto niya ng pagpapadala ng mga manggagawa sa ibayong dagat. “Ang tanging kahilingan ko sa mga ibang bansa ay tratuhin ang mga Pilipino ng desente at may dignidad. Huwag ninyo silang abusuhin. Ang mga Pilipina ay hindi kalakal na matapos ninyong bilhin ay magagawa na ninyo ang nais ninyong gawin sa kanila,” wika niya.

Hindi kaya hyperbole o fake news na naman ito? Kasi, hindi ko alam kung saan nanggagaling ang ating lakas para pangatawanan ang babala ng Pangulo. Ang alam ko ay harangan mo man ng sibat, hindi mapipigil na lumabas ang Pilipinong ayaw mamatay na nakadilat ang mata sa kanilang sariling bansa. Isyu ito ng kahirapan. Wala sa posisyon ang ating gobyerno na magmalaki. Ang ipinagmamalaki ba natin ay tayo ang nagbibigay ng manggagawa sa mga dayuhan sa kanilang bayan? At kung wala ang ating manggagawa ay hindi mabubuhay ang mga bansang ito? Aba, eh maraming bansa ang pinagkukunan ng mga ito ng mga kailangan nilang manggagawa. Samantalang pinagkakakitaan ng gobyerno ang kahirapan ng mga OFW dahil napakalaking salapi ang inaambag nila sa pondo ng bayan na kanilang binubulsa.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa totoo lang, kung may hindi nagtatrato ng desente at walang dignidad sa mga Pilipino ay ang kanilang mismong gobyerno. Pinatatakbo kasi ito ng mga taong pinagkatiwalaan nila ng kanilang kapangyarihan bilang instrumento ng kanilang pansariling kapakanan. Magkakasabwat nilang dinadambong ang kaban ng bayan. Ginagamit nila ang kanilang mga posisyon upang itaguyod ang kapakanan ng mga dayuhan at iilan. Ang yaman ng bansa, sa halip na matamasa ng lahat, ay nakukupot lamang ng iilan. Iba’t ibang tao na ang inasahan nilang magpapabago ng kanilang buhay at hanguin sila sa kahirapan, pero hanggang ngayon nananatili pa rin silang umaasa at nangangarap. Kaya, ang kahirapan ang nagtutulak sa mamamayan para gumawa ng paraan para mabuhay. Nangingibang bansa kahit nabibiktima sila ng mga illegal recruiter, kahit nawawasak ang kanilang pamilya at iyon ngang binanggit ng Pangulo na nagiging biktima ng pang-aabuso. Magtulak ng droga kahit na sila ay pinapatay at gumawa ng iba’t ibang klase ng krimen. Pero, pinupuhunan nila ito ng kanilang buhay at kalayaan, hindi kagaya ng kanilang kapwa na nasa gobyerno na ang puhunan ay laway at magarang kasuotan at kung tawagin pa sila ay “Your Honor”, “Gentlemen” at “His Excellency.”