INIHAYAG ng Department of Health na nakapagpurga ito ng mahigit sa 200,000 estudyante sa Region 9, para sa National School Deworming Month ngayong Enero.
Inilunsad ang National School Deworming Month noong Enero 1 at magtatapos sa Enero 31.
Sinabi ni Nieto Fernandez, Department of Health-National School Deworming coordinator, na target ng kagawaran na makapurga ng 800,000 estudyante, na binubuo ng 600,000 mag-aaral sa elementarya at 200,000 estudyante sa sekundarya.
Inilahad ni Fernandez na ang mga pupurgahin ay mga estudyanteng nasa limang taong gulang hanggang 18 anyos, na pumapasok sa mga pampublikong kindergarten hanggang Senior High School.
Aniya, nagsasagawa ng wastong koordinasyon ang Department of Health at ang Department of Education, katuwang ang mga magulang ng mga estudyante.
Ang bawat estudyante ay bibigyan ng 400 milligrams ng chewable tablet ng Albendazole, na ikokonsumo kapag busog, sa paggabay na rin ng mga nurse sa mga paaralan at mga health worker.
“We are encouraging the parents to support the National School Deworming Month,” sabi ni Fernandez, kasabay ng pagtiyak na ang mga gamot na ibinibigay sa mga bata ay ligtas at nakapasa sa mga pamantayan ng World Health Organization.