SINUSPINDE nitong Enero 19 ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang pagpapadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait sa Gitnang Silangan, kasunod ng napaulat na pitong Pilipino ang namatay kamakailan sa nasabing bansa. Walang mga detalye sa pagkamatay ng pitong OFW, ngunit sapat na ito upang ipag-utos ni Secretary Silvestre Bello III sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) na itigil ang pagpoproseso ng overseas employment certificate ng mga Pilipinong patungo sa Kuwait.
Sinabi ng kalihim na agaran siyang kumilos matapos sabihin sa kanya ni Pangulong Duterte na nakatanggap ito ng mga ulat na ilang Pilipino ang namatay sa pagmamalupit at pang-aabuso ng kanilang mga amo. Tiniyak ni Bello na babawiin niya ang kanyang suspension order sakaling mapatunayan sa mga imbestigasyon ng mga opisyal sa Kuwait na walang kasalanan ang mga among Kuwaiti sa pagkamatay ng mga Pilipinong manggagawa.
Makalipas ang limang araw, nitong Enero 24, habang nagsasalita sa Ninoy Aquino International Airport bago bumiyahe patungong India ay inilahad ng Pangulo ang isang malaking desisyon na makaaapekto sa ugnayan ng bansa sa Kuwait. Sinabi niyang katatapos lamang ipaalam sa kanya ang panggagahasa sa Kuwait sa isang Pinay, na kalaunan ay nagpakamatay. Nagbanta siyang pauuwiin ang lahat ng OFW na nasa Kuwait ngayon sakaling muli siyang makatanggap ng ulat ng Pilipinong inabuso sa nasabing bansa.
Umapela ang Pangulo sa Kuwait at sa iba pang bansa sa Gitnang Silangan na tratuhin ang mga Pilipino “as human beings”. Aniya, “We are poor, we may need your help, but we will not do it at the expense of the dignity of the Filipino.”
Ang remittance ng ating mga OFW ay matagal nang nagsisilbing pangunahing suporta sa ating pambansang ekonomiya. Ang mga remittance na ito ay umabot sa $32.8 billion noong 2017, tumaas ng 4.5 porsiyento kumpara noong 2016. Dahil dito, ang Pilipinas ang naging ikatlo sa mga bansang may pinakamalalaking natatanggap na remittance sa mundo, kasunod ng India ($65.4 billion) at China ($62.9 billion), ayon sa World Bank.
Libu-libong Pilipinong manggagawa ang patuloy na umaalis sa bansa araw-araw, nag-aambag sa pag-unlad ng bansang pinagtatrabahuhan nila sa iba’t ibang dako ng mundo. Ginagawa nila ito dahil hindi paborable ang sitwasyon ng ekonomiya ng Pilipinas at hindi sapat ang lokal na trabaho para sa lahat ng Pilipinong nais maghanapbuhay.
Layunin ng ating bansa na gumawa ng mga hakbangin upang hindi na maobliga pa ang mga Pilipino na umalis sa bansa. Maaaring umalis ang ating mga propesyunal para manirahan at magtrabaho sa ibang bansa upang magpakadalubhasa sa kani-kanilang larangan — sa siyensiya at medisina, sa mabilis na umuunlad na larangan ng computer, sa mga unibersidad at lugar ng pananaliksik, at sa konstruksiyon ng pinakamodernong gusali.
Sa mga susunod na buwan at taon, inaasahan ng gobyerno na maipatutupad na nito ang malawakang programa sa imprastruktura — mga highway, tulay, riles, subway, paliparan, pantalan — na mangangailangan ng iba’t ibang manggagawa. Kalaunan, ang mga imprastrukturang ito ang magpapasigla sa iba pang aktibidad na pang-ekonomiya — manufacturing, komersiyo, agrikultura, serbisyo, at iba pa. Marami sa ating mga OFW ang kakailanganing magbalikbayan para makilahok sa kaunlarang ito.
Sa ngayon, pinupuri natin ang mabilisan at determinadong pag-aksiyon nina Pangulong Duterte at Secretary Bello sa napaulat na pagpatay sa ilang Pilipinong manggagawa at panggagahasa sa isang Pinay sa Kuwait. Alang-alang sa pakikisama at pandaigdigang pagtutulungan, umaasa tayong agaran ding aaksiyunan ng gobyernong Kuwaiti ang mga nasabing kaso.
Anuman ang kahinatnan ng mga kasong ito, mahalagang tutukan natin ang programa sa pambansang kaunlaran na magkakaloob ng trabaho sa mga Pilipino dito sa mismong bansa nila, upang ang paghahanapbuhay sa ibang bansa, gaya ng ating hinahangad, ay maging opsiyonal na lamang at hindi isang pangangailangan.