ni Bert de Guzman

SA ilalim ng administrasyong Duterte, ang ekonomiya ng Pilipinas ay lumago ng 6.7% nitong 2017, pangatlo sa pinakamabilis sa Asya. Ito ang report ng Philippine Statistics Authority (SA). Sinusundan ng PH sa economic growth ang China (6.9%) at Vietnam (6.8%).

Sinabi ni National Economic Development Authority (NEDA), director general Ernesto Pernia, ang paglago o growth nitong 4th quarter ay maituturing na solid economic performance. Umaasa ang mga Pinoy na magpapatuloy ang economic growth ng Pilipinas sa pangangasiwa ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng kanyang finance-economic managers. Aba, nauungusan na ang Pinas ng Vietnam na winasak ng digmaan noon.

Sa wakas mukhang magkakaroon na rin ng plaka ang luma kong sasakyan na sapul noong 2015 ay nagbabayad ako ng car registration renewal, pero laging walang plakang ibinibigay ang Land Transportation Office (LTO). Kung bakit ba naman naisipan ng PNoy admin na pati mga lumang sasakyan ay baguhin pa ang plaka gayong okey naman ang mga ito. Ang dapat obligahin sanang kumuha ng plaka ay iyong mga bagong bili o brand-new. May hinala ang mga tao na ginamit sa eleksiyon ang perang galing sa mga plaka.

Inalis na ng Supreme Court ang Temporary Restraining Order (TRO) sa pagre-release ng may 700,000 license plates na nakaimbak ngayon sa Bureau of Customs. Ayon kay Theodore Te, SC spokesman, dinismis ng SC ang petisyon nina ex-Abakada Party-list Rep. Jonathan dela Cruz at Paranaque Rep. Gus Tambunting na kumukuwestiyon sa legalidad ng BoC’s donation ng license plates sa LTO. Para sa petitioners, hindi dapat hindi itinurn-over ng BoC ang mga plaka na kinumpiska nila sa LTO dahil may notice of disallowance na inisyu ng Commission on Audit tungkol sa LTO’s Motor Vehicle License Plate Standardization Program (LTO-MVLPSP).

Determinado si Mano Digong na hindi palawigin ang terminong anim na taon sakaling maging federal system ang gobyerno ng bansa. Ayon kay presidential spokesman Harry Roque, hindi raw interesado si PDu30 na manatili sa puwesto kapag naging pederal ang gobyerno. Talagang ayaw na niya, at tiyak na bababa siya sa puwesto sa 2022. Uuwi na lang siya sa Davao City.

Nag-aalburoto ang Mayon Volcano. Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa malakas na pagsabog habang sinusulat ko ito. Nangangamba ang mga Uragon sa galit at pag-aalburoto ng bulkan.

Samantala, nag-aalburoto rin ang maraming tao bunsod ng paggagawad ng parangal kay PCOO Asec. Mocha Uson ng UST Alumni Association. Bakit daw bibigyan ng parangal si Mocha gayong hindi naman nito sinasalamin ang ideal at good image ng pamantasan dahil siya raw ay purveyor ng fake news. Nag-resign na ang pangulo ng UST alumni assocation, at naibalik na ni Uson ang parangal sa kanya.