INILUNSAD ng mga pinagsama-samang organisasyon ng mga kasambahay ang kampanya para sa “Pambansang Day Off” upang isulong ang kamulatan sa kanilang mga karapatan at nanawagan ng pangkalahatang proteksiyon sa kanilang kapakanan.
Iginiit ng Philippine Campaign to Promote Decent Work for Domestic Workers Technical Working Group (Domestic Work TWG) na sa kabila ng pinagtibay na ang Republic Act 10361, o ang Batas Kasambahay, na nag-oobliga ng seguro sa mga kasambahay, hindi pa aabot sa 10 porsiyento ng dalawang milyong kasambahay ang nakarehistro sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG) sa ngayon.
Ayon sa datos noong Setyembre 2015, nasa 158,567 kasambahay ang nakarehistro sa SSS, habang 60,603 lamang sa PhilHealth, at 86,562 sa Pag-IBIG Fund.
Dahil dito, hinimok ng Domestic Work TWG si Pangulong Rodrigo Duterte na ideklara bilang “Pambansang Day Off” ang Hunyo 12, Araw ng Kalayaan.
Hinikayat nila ang Pangulo na pahintulutan ang mga kasambahay na magkaroon ng “day off” sa nasabing petsa upang makapagparehistro sila sa SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG.
“We want domestic workers across the country to take the day off on June 12 so that they can register to the SSS, PhilHealth and Pag-IBIG together with their employers,” sabi ni Julius Cainglet, bise presidente ng Federation of Free Workers (FFW), isa sa mga unyon na kasapi ng Domestic Work TWG.
Tuwing Enero 18 ipinagdiriwang ang Araw ng Kasambahay, bilang paggunita sa araw na pinagtibay ang Kasambahay Law limang taon na ang nakalilipas.
“Domestic workers do not benefit from holidays as other workers do. Workers are supposed to enjoy a day off on a holiday or get double pay when they work. But for domestic workers, a holiday is just an ordinary working day,” sabi ni Cainglet.
“Mahalaga para sa aming mga kasambahay na magkaroon ng national day off pati na rin sa mga national holidays dahil kami ay mga manggagawa rin tulad ng ibang mga manggagawa,” sabi naman ni Maia Montenegro, deputy secretary general ng United Domestic Workers of the Philippines (United), isa sa pinakamalalaking samahan ng mga kasambahay sa bansa.
“Hindi fully implemented ang batas pero gusto namin maramdaman na kami ay recognized ng lipunan bilang tunay na mga manggagawa. Hindi natin makakamit ang tunay na disenteng trabaho para sa mga kasambahay kung ang simpleng pahinga ay hindi nila natatamasa,” dagdag pa ni Montenegro.
Kabilang sa mga aktibidad na itatampok sa pinaplanong Pambansang Day Off ang oryentasyon sa mga karapatan ng mga kasambahay, skills training, libreng gupit ng buhok, masahe, at manicure, may mga palaro rin at raffle draw, bukod pa sa ka-Zumba-hay, at libreng konsiyerto. - PNA