ni Ric Valmonte
NOON pa palang Disyembre 7 ng nakaraang taon ay nag-isyu na si Pangulong Duterte ng Executive Order No. 10 na lumilikha na ng consultative assembly para aralin ang pagbabago sa Saligang Batas. Hangad ng Pangulo ang rekomendasyon nito na kanyang isusumite sa Kongreso.
Pero, nasa Kongreso na ito kung tatanggapin ang rekomendasyong ito. “Hindi magtatrabaho ang Kongreso in tandem sa consultative assembly,” wika ni House Majority Leader Rodolfo Farinas. Ang kapangyarihang mag-amyenda ng Saligang Batas, aniya, ay nasa kamay lang ng taumbayan sa pamamagitan mismo nila o ng kanilang mga inihalal na kinatawan. Sumang-ayon dito si Senate President Koko Pimentel. Ang lehislatura ay may sariling mekanismo para dito, aniya.
Tama ang ginawa ng Pangulo sa paglikha ng consultative assembly, ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto. “Ang bumubuo kasi nito na siyang aaral sa Saligang Batas ay hindi matutuksong magpanukala ng pagbabago dito na ayon sa kanilang personal na interes,” wika niya. Bagkus, aniya, ang assembly na pinamumunuan ni dating Chief Justice Renato Puno, ay binubuo ng mga pambihirang tao na makapagbibigay ng mga di-pangkaraniwang ambag sa pag-aamyenda sa Saligang Batas. Magandang umasa na may mabuting kahihinatnan ang ginawa ng Pangulo na bumuo ng grupong aaral sa pagbabago ng Konstitusyon. Ang malaking problema ay iyong kung matuloy iyong Constituent Assembly (Con-ass) na ang mga Kongresista at Senador ang siyang magbabago ng Saligang Batas. Sa kanila ipapasa ng Pangulo ang bunga ng pag-aaral ng consultative assembly. Sabi nga ni Kong. Farinas, nasa Kongreso kung tatanggapin nito ang kanyang rekomendasyon. Tiyak na magiging maganda para sa bayan ang mga rekomendasyon ng assembly dahil ang kasapian nito ay walang personal na interes na itataguyod o poprotektahan. Eh paano iyong mga mambabatas?
Kapag nanaig si ex-Chief Justice Puno, malamang na balewalain ng mga mambabatas ang rekomendasyon ng consultative assembly. Kasi, narinig na siya sa kanyang paninindigan na hindi dapat Con-ass ang magbabago sa Saligang Batas. Ang trabaho, aniya, ng mga mambabatas ay gumawa ng batas. Bukod dito, ayon kay Puno, hindi maiiwasan ang conflict of interest sa pagganap nila ng kanilang tungkuling magbago ng Konstitusyon. Kapag pinag-uusapan na ang pagpalawig ng kanilang termino, wala nang mayorya at minorya. Malamang na iisa sila para dito. Ang nais ni Puno na gagawa ng pagbabago ay Constitutional Convention(Con-con) na hybrid ang kasapian. Ang bahagi ng grupo ay mga delegadong halal ng mamamayan, samantalang ang iba ay hinirang. Kaya, ang katapatan ng Pangulo sa layunin niyang tunay na pagbabago ay masusukat kung paano niya pahahalagahan ang rekomendasyon ng consultative assembly at igagalang ito ng Kongreso, kundi inutil din ito.