ni Dave M. Veridiano, E.E.
SIMULA ngayong araw, magiging tulad sa pangkaraniwang pagpasok sa opisina – mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon ng Lunes at Biyernes – na lamang ang magiging operasyon ng mga TOKHANGERS, o mga pulis na awtorisadong magsagawa ng muling ibabalik na Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP).
Balitang todo ipinagmamalaki ng PNP dahil mababawasan umano nito ang pagdanak ng dugo sa mga operasyon ng pulis laban sa mga sindikato ng droga sa bansa, na pinag-usapan sa buong mundo at naging BLACKEYE pa tuloy ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, dahil sa libu-libong bangkay na tinakpan ng diyaryo sa mga bangketa at kalsada sa loob lamang ng halos isang taon.
Inismiran naman ito ng karamihan sa mga taong madalas na kinukuhanan ko ng reaksyon at opiniyon hinggil sa mga polisiyang inilalatag ng pamahalaan. Yung iba pa nga, tinawanan ang pahayag ng PNP na ‘di na ito magiging madugo, at sinabing nilang: “Tuwirang pag-amin ito ng pamunuan ng PNP na pinayagan nila noon ang mga pagpatay na naganap kaya dumanak ang dugo!”
Para sa mga na kaut-utang dila ko, ay hindi BIG DEAL ang bagong Oplan Tokhang na ito na inilatag at ipinagmamalaki agad ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, PNP Chief.
Eh bakit nga ba hindi ito BIG DEAL para sa kanila?
Hanggang ang Oplan Tokhang umano ay may kaagapay pang mga anti-drug operations na gaya ng Oplan Double Barrel at One Time Big Time – na maaaring isagawa kahit anong oras at araw sa mga pinaghihinalaang pusher at talamak na adik -- ay kumakabog pa rin ang kanilang dibdib sa anumang operasyon ng PNP laban sa mga sindikato ng droga, dahil ang tinatamaan lamang palagi ay silang mga “yagit sa lipunan” na walang perang pantapat sa kanilang buhay!
Noong nakaraang linggo ay pormal na inanunsiyo ang bagong Oplan Tokhang at piniling ngayong araw unang ipatupad makaraang makumpleto ang mga inihanay na mga “supplemental guideline at mga pulisiya” para sa mga bagong operatibang tatawaging TOKHANGERS. “Maraming salient points na kailangang malaman nila (Tokhangers) para ma-cascade going into the station level para uniform ang implementation,” paliwanag ni CPNP Bato.
Kabilang nga sa mga “salient points” ang pagsasagawa ng Tokhang kasabay ng office hours mula Lunes hanggang Linggo…Ngunit nilinaw ng PNP na ang Oplan Tokhang ay isang “complementary operation” ng pagkatok sa mga bahay ng mga pinaghihinalaang tulak ng ilegal na droga at paghikayat sa mga ito na baguhin ang sarili para sa ikabubuti. At dahil “complementary” nangangahulugan lamang na may iba pang operasyon ang mga pulis na hindi naman kontrolado at kapareho ng Bagong Oplan Tokhang, at ito ang ikinababahala ng mga mamamayang madaling pasukin at katokin ang mga bahay.
At ang mga operatibang magsasagawa nito ay “encouraged” (pakikiusapan?) din na magsuot ng body camera upang maging klaro at malinaw ang kanilang operasyon maging Oplan Tokhang man o Oplan Double Barrel ito.
At sa paglilinaw agad na ito ng pamunuan ng PNP, mas lalong kinakabahan ang mga nakausap kong mga taong nagdarahop sa buhay at araw-araw na laman ng kalsada at bangketa -- na ang Oplan Double Barrel ay maaaring gawin kahit na Sabado at Linggo at sa gabi, ngunit ito ay sisiguruhing nasa ilalim ng paggabay sa alituntuning -- “In adherence to the rule of law and in respect of the human rights.”
May nabago ba? Parang ganito rin yata nagsimula ‘yung lumang Oplan Tokhang kung hindi ako nagkakamali sa aking pagbabalik-tanaw sa mga nangyaring operasyon sa iba’t ibang lugar!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]