Ni Gilbert Espeña

MATAPOS ang mahabang bakasyon sa ibabaw ng lona, muling magbabalik si dating WBO bantamweight champion Marlon Tapales para harapin ang beteranong Thai boxer na si Rivo Rengkung sa Marso 17 sa Bendigo Exhibition Center sa Bendigo, Australia.

Nawalan ng korona ang 25-anyos na si si Tapales sa kanyang depensa noong Abril 23, 2017 laban kay mandatory challenger Shohei Omori sa Osaka, Japan matapos niyang hindi makuha ang timbang sa bantamweight division.

Ngunit, nilabanan pa rin ni Tapales si Omori na idinispatsa niya sa loob ng 11 rounds at pagkatapos ng sagupaan ay inilagay siya ng WBO bilang No. 2 contender sa kampeong si Jessie Magdaleno ng United States.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Bumagsak ang ranking ni Tapales sa No. 5 matapos siyang hindi lumaban sa halos isang taon pero nangako siyang muling magiging kampeong pandaigdig matapos ang isa o dalawang tune-up bouts.

Beterano ng 66 laban ang 33-anyos na si Renkung na sa kanyang huling laban noong 2017 ay natalo via 5th round TKO sa kababayang si IBF No. 14 contender Mike Tawatchai sa sagupaan sa Bangkok.