MARAMING kasaysayan at kagandahang maiuugnay sa Manila Bay. Naglayag sa lawa ang Espanyol na si Miguel Lopez de Legaspi noong 1565 at pagsapit ng 1571 ay naitatag na niya ang siyudad ng Espanya na Maynila na, sa sumunod na 350 taon ay nagsilbing sentro ng mga gawaing sibil, militar, relihiyoso, at kalakalang Espanyol sa bansa.
Sa Manila Bay din nagtapos ang panahon ng pananakop ng Espanya, nang sumalakay noong 1898 ang Amerikanong si Commodore George Dewey at winasak ang barkong pandigma ng Espanya sa tinaguriang isa sa pinakamatitinding digmaang pandagat sa kasaysayan. Ito ang naging hudyat ng pagsisimula ng pamamayagpag ng puwersa ng Amerika sa mundo, na nananatili hanggang ngayon.
Sa kasalukuyan, ang mga lupain sa paligid ng lawa, mula sa Bataan sa kanluran hanggang sa Bulacan at Pampanga sa hilaga, Metro Manila sa silangan, at Cavite sa katimugan, ang marahil ay pinakamaunlad at pinakaabala sa bahaging ito ng bansa. Sa bungad ng lawa ay mayroong ilang isla, na ang pinakapopular ay ang Corregidor, kung saan sanib-puwersang nakipaglaban ang mga sundalong Pilipino at Amerikano laban sa mga mapanakop na Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa Maynila, ang paglubog ng araw sa Manila Bay ang pinakatanyag na tourist attraction.
Totoong maraming kuwentong iniuugnay sa Manila Bay. Gayunman, ang pangunahing batid ng marami ay ang matinding polusyong nakakulapol sa Manila Bay, kaya naman noong 2009 ay naglabas ng makasaysayang pasya ang Korte Suprema na nag-aatas sa 13 ahensiya ng pamahalaan “[to] clean up, rehabilitate, and preserve Manila Bay, restore and maintain its waters, make them fit for swimming, skin-diving, and other forms of contact recreation.”
Gayunman, ipinagbabawal na ngayon ang paglangoy sa Manila Bay dahil sa maruming tubig. Ang lahat ng ilog at sapa sa Metro Manila ay umaagos sa Pasig River, at dumidiretso sa Manila Bay. Sa malaking bahagi ng mga lugar sa paligid ng mga tubigang ito ay nakapaligid ang mga pabrika at kabahayan na ang mga basura ay direktang itinatapon sa mga ilog at sapa na ito, kaya naman ang Manila Bay ay naging “one big sewer”, gaya na rin ng paglalarawan ni dating Manila Mayor at Environment Secretary Lito Atienza. Taong 2008 nang ipinalabas ng Korte Suprema ang serye ng direktiba sa 13 ahensiya ng gobyerno, sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources, upang linisin at isailalim sa rehabilitasyon ang lawa. Gayunman, hindi naresolba ng ilang administrasyon ang napakalaking problemang ito.
Sa pagsisimula ng administrasyong Duterte, kumilos ang Pangulo upang malinis ang Laguna de Bay at ang libu-libong fish pen na nakapag-aambag sa polusyon na umaagos sa Pasig River at Manila Bay. At noong nakaraang linggo, gumawa ng hakbangin ang pamahalaan upang tuluyan nang tuldukan ang ilang dekada nang suliranin sa polusyon ng lawa. Lumagda ng kasunduan ang National Economic Development Authority (NEDA) sa Netherlands, sa pamamagitan ni Ambassador Marion Derckx, sa pagkuha ng serbisyo ng mga consultant na bubuo ng Manila Bay Sustainable Development Master Plan.
Kilala sa mundo ang mga Dutch sa kanilang kaalaman at karanasan sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga dalampasigan mula sa lumalaking dagat. Sa bisa ng kasunduan, tutulong ang Netherlands sa pagbubuo ng master plan para sa tuluy-tuloy na pagsasaayos sa kabuuan ng lawa, kabilang na ang proteksiyon sa pampang nito, pangangasiwa sa basura at sa pinagkukunan ng tubig, transportasyon, at pagpapaunlad. Magkakaloob ang gobyernong Dutch ng P75 milyon grant na idadagdag sa P250 milyon ng ating pamahalaan upang mabuo ang master plan.
Kahiya-hiya kung paano nating nadumihan nang sobra ang lawa. Ang bubuuing master plan ay simula pa lamang, subalit masidhi ang pag-asa natin na sa huli ay magkakaroon tayo ng tunay na pagpupursige upang malinis at maibalik sa dati ang ating makasaysayan at nakamamanghang Manila Bay.