Ni REGGEE BONOAN
KINAILANGANG umalis agad ni Direk Joyce Bernal sa grand presscon ng pelikulang Meet Me in St. Gallen sa Plaza Ibarra, Timog, Quezon City nitong Biyernes dahil naghihintay sa kanya ang set ng shooting ng Ms. Granny.
Si Direk Joyce ang nag-edit at isa sa producer ng Meet Me in St. Gallen na pinagbibidahan nina Bela Padilla at Carlo Aquino ng Spring Films at Viva Films bukod pa sa protégé niya si Direk Irene Villamor (Camp Sawi).
Hinarang namin ang box office director habang papaalis para sa ilang katanungan na ipinasagot namin sa kanya.
Nagpahayag siya sa Q & A ng presscon na ayaw na niyang magdirek dahil, “Napapagod na ako, gusto ko na lang mag-edit nang mag-edit at mag-produce.”
Nasabihan tuloy siya na sobrang yaman na.
“Gusto kong magdirek naman pero mas marami akong kayang gawin ‘pag producer,” paliwanag niya. “Marami kang ibibigay, kaya kong gumawa ng pelikulang tatlong sabay-sabay.”
Hindi raw uubra ang sabay na pagdidirek at pagpo-produce.
“Mahirap, ‘pag nagdirek kasi ako nandoon (naka-focus), maapektuhan ‘yung ibang gagawin ko,” katwiran niya.
Bakit niya tinanggap ang Ms. Granny ni Sarah Geronimo?
“Si Boss Vic (del Rosario), eh, nakiusap siya na idirek ko raw ‘yung movie. Ito na ‘yung huli kong gagawing pelikula as direktor ‘tapos puro produce-produce na,” sagot niya.
Diretso naming tinanong si Direk Joyce kung alin ang mas maganda, itong Meet Me in St. Gallen ni Direk Irene o ang Kita Kita ni Direk Sigrid Andrea Bernardo? (Parehong prinodyus ng Spring Films.)
“Magkaiba kasi dalawang tao rin ito (Carlo at Bela), sa akin, mas maganda ang Kita Kita, pero iba ‘to kasi hindi ko edad ito kasi 50 na ako and I don’t discuss relationship. Gusto mo, gusto mo, ayaw ko, ayaw ko, ganu’n lang. Ito (Meet Me In St. Gallen), you discuss, eh, parang ganu’n. Hindi na ako ‘yun.
“’Yung Kita Kita, mas gusto ko ‘yun kasi may Empoy (leading man ni Alessandra de Rossi) na nakakatawa, medyo platy, itong Meet Me In St. Gallen iba siya kaya hindi ko siya maiko-compare,” paliwanag ng direktora.
Pero siyempre ang vision ni Direk Joyce, “Sana mas kumita ito kaysa sa Kita Kita (P400M), siguro mga ganu’n, ha? Kasi si Erickson (Raymundo) ang nakakaalam ng figures, eh.”
Aminado siya na malaki ang nagastos nila sa Meet Me in St. Gallen kaya tinanong namin kung bakit kasi sa Switzerland pa kinunan, marami namang bansang mas mura.
“Oo nga, ang mahal-mahal, it’s a UNESCO heritage na. The church in St. Gallen na 1800, iyon ‘yung pinakapinupuntahan ng mga tao. Ang lakas makamayaman, ang laki ng budget namin sa St. Gallen sa four days shoot namin mula sa fee, mga tao at iba pa, parang buong budget ng Kita Kita, ha-ha-ha,” natawang sabi ni Binibining Joyce.
Samantala, kung hindi magbabago ang plano ay uumpisahan nang i-shoot sa Marso nina Direk Joyce, Piolo Pascual at Robin Padilla ang pelikula tungkol sa nangyari sa Marawi City na ang working title ay Black is Night.
“Kami nina Piolo ang producers, Spring Films and sensitive topic ‘yun, gusto namin maramdaman kung ano’ng nararamdaman nila (mga tao) at gusto naming makita kaya kami nagpunta ro’n... kaya immersion,” kuwento ng lady director.
Sino ang cast ng Black is Night na war movie pala at planong isali sa international film festival?
“Marami kaming ina-eye, like si Daniel (Padilla), si Carlo (Aquino), si JM (de Guzman), marami pa kasi nga mga sundalo sila. Eh, kailangan pa naming maibigay ‘yung script ‘pag inalok namin sila, pero sigurado na si Robin,” saad ng direktora.
Ang direktor at susulat ng script ng Black is Night ay, “Tagaro’n din, si Suri (scriptwriter) at ang direktor namin si Sheron, taga-Mindanao sila.”
Aabutin daw ng dalawa hanggang tatlong buwan ang shooting ng pelikula sa Marawi na kailangan nilang busisiin nang husto.
Binati namin si Direk Joyce sa pagiging certified box office director niya – at sa katunayan ay siya rin ang sumira sa sariling record din naman niya sa kinitang P571M ang Gandarrapiddo The Revenger Squad sa Pilipinas pa lang.
“Hindi ako, si Vice (Ganda) ‘yun!” pa-humble na giit sa amin, kaya ang hirit namin, ‘Pero ikaw ang captain of the ship, unless si Vice rin ang nagdirek at nanonood ka na lang?’
Hayun, bigla nang nag-walkout si Binibining Joyce!
‘ Ganu’n nag-walk ka? ‘Yan ang isusulat namin, Direk Joyce, nag-walk out!’
Sabay balik ulit ni Direk Joyce na natatawa.
“Kasi nagmamadali na ako, sige na!”